“Hindi ka ba nahihiya?” Estudyante, inialay ang kanyang mga medalya sa nakakulong na ama

Mga larawan mula sa Facebook account ni Piannef San Juan/Google Image Public Domain

Karangalan ng mga magulang ang pagkakaroon ng matalinong mga anak. Para sa isang magulang, walang anumang halaga ang makatutumbas sa bawat tagumpay ng mga anak, lalo na ang mga medalyang natatamo nito sa paaralan.

Para sa mga anak naman, ang mga medalya ay regalo sa kanilang mga magulang na hindi iniinda ang mga hamon ng buhay upang sila ay mapag–aral. Mga magulang na hindi dapat ikahiya, anuman ang kanilang hanapbuhay o kalagayan.

Kinaantigan ng mga netizen ang Facebook post ng isang estudyante na inialay ang kanyang mga natamong medalya sa kanyang amang nakabilanggo noong Mayo 11, 2019. May pamagat itong “Hindi ka ba nahihiya?”

Ayon sa kanyang caption, hindi niya ikinahihiya ang nangyari sa kanyang Papa dahil Diyos lamang ang nakaaalam kung gaano kabuting tao ang kanyang ama na biktima lamang din ng pagkakataon.

“Walang dapat ikahiya sa nangyari kay Papa dahil alam ng Diyos kung gaano ka kabuting tao at biktima ka lang rin ng masasamang tao.”

Inihayag ng estudyante ang pagmamahal sa kanyang ama. Pangako niya, hindi nila iiwan ito at hindi papansinin ang panghuhusga ng ibang tao sa kanya.

“Pa, mahal na mahal kita at kahit anong mangyari hindi ka namin iiwan. Mananatili kami sa tabi mo. Husgahan ka man ng marami, wala akong pakialam dahil alam namin ang totoo na wala ka talagang kasalanan. Pakatatag ka lang Papa at Diyos na ang bahala sa lahat.”

Nakisimpatya naman ang mga netizens na nagbigay ng kanilang komento.

“Nakakatouch naman ito. Tama iyan. Huwag ikahihiya ang ating mga magulang. Nag–iisa lang sila. Ang dyowa napapalitan, pero ang nanay at tatay, walang makapapalit sa buhay natin.”

“Oo, iyan ang pinakamasakit na tanggapin, yung hindi mo kasalanan pero ikaw ang makukulong. Ang hirap sa kalooban. Tapos yung iba na may kasalanan, iyon pa ang hindi nakukulong. Sana makalaya yung mga walang kasalanan.”

“Tiwala lang. Walang imposible sa Diyos.”

Batay sa post ng estudyante nitong Mayo 13, 2019, namimiss na niya ang kanyang Papa. Samantala, hindi naman nabanggit sa post ang dahilan kung bakit nakulong ang nasabing tatay.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Piannef San Juan