Hello Kitty-themed tricycle kinagigiliwan ng mga pasahero




Imahe mula kay Amita Legaspi via Facebook

Isang tricycle ang kinagigiliwan ngayon dahil sa cute na cute nitong design at mga palamuting Hello Kitty.

Ang tricycle na ito ay pagmamay-ari ni Ryan Acevedo na nakatira sa Barangay 199, Tondo, Manila. Ayon kay Amita Legaspi, ang kumuha ng mga litrato nang minsang makasakay rito, ang ruta ng biyahe nito ay mula LRT Abad Santos sa Tondo hanggang sa Maypajo, Caloocan.

Kikay na kikay ang loob ng tricycle na pinalibutan ng Hello Kitty wallpaper. Bukod rito, may mga kagamitan rin siya sa loob ng tricycle na maaaring gamitin nang libre ng mga pasahero.

Imahe mula kay Amita Legaspi via Facebook

Sa bandang harapan ay may tablet na may kasamang note na “Free watch to entertain”  kung saan libreng manood habang nasa biyahe. Sa baba ng tablet ay makikita ang samu’t sari pang mga kagamitan gaya ng pastilyas kung saan may mababasang “It’s free. Pastillas for your sweetness” at “It’s free. Candy for your happiness” naman sa isa pang garapon.

Hindi rin mawawala ang mga kikay kit gaya ng pulbo “for your freshness,” alcohol “for your cleanliness,” mirror “for your beautifulness,” tissue, at cotton buds. Mayroon ding free phone charging kung sakaling maubos ang iyong battery habang nasa biyahe.

Nakaaaliw naman ang Hello Kitty na trash can kung saan nakalagay ang “for your bitterness” dahil dapat kapag sumakay ka rito ay good vibes lang.

Malapit sa tabi ng driver ay may pink na water bottle at mga plastic cups kasama naman ang note na “It’s free. Water for your thirst.” Sa taas nito ay may nakasabit na notepad kung saan maaari mong isulat ang iyong comments at suggestions.

Imahe mula kay Amita Legaspi via Facebook

Ilan sa mga netizens ang natuwa rin at gustong masubukan ang Hello Kitty tricycle at mga “amenities” nitong dala. Dahil dito, napatunayan ni Ryan ang mga katagang “basta driver, sweet lover.” Request naman ng isang netizen, samahan na rin ng mga gamot at pang-first aid kit, kumpleto na!

Simple man ang mga bagay na inihahandog ni Ryan para sa kanyang mga nagiging pasahero, tiyak na lubos naman ang tuwang kanyang hatid sa kanila dahil bihira lang ang ganitong tricycle.

Mabuhay ang mga simpleng manggagawang katulad ni Ryan na walang hinahangad kundi ang makapagbigay ng magandang serbisyo sa publiko.