Gerald Anderson, umaming takot siya kay Bea Alonzo

Screenshot mula sa YouTube at Instagram

Bahagi na ng biruan ng mga kalalakihan ang ‘takusa’ o ‘takot sa asawa.’ Gayunman, katumbas ito ng paggalang at pagmamahal sa kabiyak.

Hindi pa man mag-asawa, umamin na si Gerald Anderson na takot siya sa kaniyang girlfriend na si Bea Alonzo. Inamin ito ng aktor sa naging panayam niya sa “Tonight With Boy Abunda.”

“Siya kasi ang tipo ng babaeng alam kung anong gusto niya at kung ano ang deserve niya,” pahayag ng actor na katambal ni Julia Barretto sa pelikulang Between Maybes.

Inamin din ni Gerald na sa loob ng halos tatlong taon ay marami siyang natutunan sa relasyon nila ni Bea.

Screenshot mula sa Instagram ni Bea Alonzo

“I think I’ve become a better man pagdating sa pagiging isang partner,” dagdag pa ng actor.

Hinahangaan din umano ni Gerald ang disiplina ni Bea pagdating sa kanilang fitness goals. Sa sariling gym ni Gerald, ang Th3rd Floor, ay kusang nagpupunta o kaya umanong mag-isa ni Bea na magwork-out.

Hindi man ‘showy’ sa social media ang celebrity couple, tiniyak ni Gerald na marami silang moments together ng aktres na hindi na diumano kailangan pang ibahagi sa lahat.

Gayunman, hindi pinalagpas ni Bea ang maging showy noong ika-30th birthday ni Gerald noong Marso. Nag-post ang aktres sa Instagram ng kanilang larawan na kuha pa noong 2010 kung saan inamin nitong iyon ang unang pagkakataon na nahulog ang loob niya sa aktor.

Screenshot mula sa Instagram ni Bea Alonzo

“You are my great love story,” ayon pa sa post.

Noong 2018 ay nagkaroon ng isyu tungkol sa hiwalayan ng dalawa ngunit binigyan umano ito ng second chance ni Bea.

Samantala, umamin din si Gerald sa kaniyang panayam kay Boy Abunda na dumaan din siya sa stage ng pagiging playboy. Gayunman, sinabi nitong hindi na siya nagpapaapekto kung akusahan pa rin siya ng ganun.

Muli ring nabanggit ang pangalan ni Kim Chui na pinasalamatan ng aktor dahil aminado ito na kung wala ang kanilang tambalan noon ay maaaring wala rin siya sa showbiz.