Erwin Tulfo, qualified maging press secretary ni Pangulong Duterte – Andanar

Imahe mula sa Facebook page nina Martin Andanar at Erwin Tulfo

Ipinahayag ni Communications Secretary Martin Andanar na kuwalipikado ang broadcast journalist na si Erwin Tulfo na maging press secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte. Binanggit niya ito sa inagurasyon ng bagong gawang tanggapan ng Presidential Broadcast Staff-Radio-Television Malacañang (PBS-RTVM).

Ayon sa report ng Inquirer, nakikita umano ni Andanar ang kapasidad ni Tulfo na pangunahan ang isang tanggapan ng gobyerno tulad ng Presidential Communications Operations Office (PCOO). Binigyang-diin din niya ang ilang dekadang karanasan ni Tulfo sa larangan ng media.

Binanggit din ni Andanar  na nagsimula si Tulfo sa print media bago naging news anchor sa radyo at sa telebisyon. Kahit saan umano ito magpuntang estasyon—ABS-CBN tungong TV5—at maging sa gobyerno ay nakapagtatag na umano si Tulfo ng tiwala ng maraming Pilipino.

Isa sa mga patunay na maraming supporters si Tulfo ay ang mahigit sa 1.6 milyong followers ng kaniyang official Facebook page.

Imahe mula sa Facebook page ni Martin Andanar

Sa kabila naman ng naging pahayag, nilinaw ni Andanar na kahit nais niya si Tulfo na maging kasunod niyang press secretary ay wala umanong bagong offer sa kaniya ang pangulo. Gayunman, kung sakali mang may bagong i-offer  ay buong puso niya itong tatanggapin.

“The President has not talked to me about moving to another department or any agency. We all work at the pleasure of the President,” dagdag pa ni Andanar.

Ayon pa sa report, nabanggit na noon ni Pangulong Duterte na si Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang nais niyang maging press secretary, at si Andanar bilang consultant.

Samantala, may mga espekulasyon na papalitan ni Andanar si Francis Tolentino bilang Presidential Adviser ng pangulo para sa political affairs. Lalo itong umugong dahil nanalong senador si Tolentino nitong midterm election.

Imahe mula sa Facebook page ni Martin Andanar

Malaki umano ang naitulong ng presensiya ni Andanar sa kasagsagan ng pangangampanya ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan para sa midterm election.

Dinepensahan noon ng pangulo ang pagiging aktibo ni Andanar sa pagsuporta nito sa kampanya ng kaniyang partido.