“Endgame”, nasungkit ang global box–office record

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Tuluyan nang nasungkit ng “Avengers: Endgame” ang global box–office record matapos ang ilang araw na pagbubukas nito sa mga sinehan sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Hawak ng pelikulang ito ang titulong “biggest opening day ever” at nalampasan nito ang dinugtungang pelikulang “Infinity War” noong 2018.

Tinatayang umabot agad sa $644 milyon ang kinita ng pelikula sa opening day nito, at patuloy pang tumatabo sa takilya, sa iba’t ibang bansa. Nahigitan nito ang $641 million na kinita ng Infinity War sa unang araw din nito noong Abril 2018.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

As of posting, tinatayang umabot na sa $487 million and counting ang kinita ng pelikula overseas, ayon sa Marvel studio. Natalo nito ang biggest opening weekend ng pelikulang “The Fate of the Fur1ous” noong 2017.

“Endgame” rin ang may hawak ng titulo bilang biggest opening day ever sa North America na pumalo sa $37 milyon at nalagpasan ang  “Star Wars: The Force Awakens” noong 2015.

Kung susumahin raw, umabot na sa $1.2 bilyon ang kinita ng pelikula sa halos limang araw pa lamang worldwide. Posible umanong lumagpas pa ito sa mga darating pang mga araw.

Umiikot ang istorya ng Endgame sa muling pagnanais ng Avengers na maibalik at mabawi ang mga “infinity stones” na kinuha ng makapangyarihang nilalang na si Thanos na naging dahilan upang maglaho ang halos kalahati ng populasyon ng mga tao.

Nagsimula ang lahat nang pumatok sa takilya ang “Iron Man” na pinagbidahan ni Robert Downey, Jr. sa ilalim ng Marvel Studios noong 2008.

Matapos nito, inihayag ng Marvel Studios na ipalalabas nila ang “The Avengers” sa 2012, na naging matagumpay rin naman.

Nasundan na ito ng “Age of Ultron”, “Infinity War”, at “Endgame”. Sa “Infinity War” nagsimula ang “cross over” ng mga karakter mula sa pelikulang “Guardians of the Galaxy” kung saan nagmula ang kanilang main villain na si Thanos.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Nagtuloy–tuloy na rin ang pagpapalabas ng mga indibidwal na pelikula para kina Captain America, Thor, The Incredible Hulk, Black Widow, Black Panther, Black Widow, Ant Man, at Spiderman.

Upang mas maunawaan daw ang “Endgame”, kinakailangang napanood mo na ang lahat ng halos 27 pelikula kaugnay sa Avengers.