Empoy sa pag-aakalang siya si John Lloyd Cruz sa isang ad: “Magkamukha naman talaga kami”

Larawan mula sa Instagram account ni Empoy at ng Turks

Nang lumabas ang teaser ng advertisement para sa isang shawarma brand, kanya-kanyang hula ang mga netizen kung sino nga ba ang lalaking nakatakdang magbalik para i-endorse ang naturang food product.

Isa sa mga lumabas na pangalan maliban sa aktor na si John Lloyd Cruz ay ang komedyante at blockbuster movie actor na si Empoy Marquez.

Larawan mula sa YouTube video ng ABS-CBN

Hindi naman kasi maipagkakailang malaki rin ang pagkakahawig kay Marquez ng lalaki sa teaser ng advertisement dahil kita ang mahabang buhok at ang bigote nito na naging trademark na rin ng komedyante sa kanyang karera.

Ngunit natapos ang mga ispekulasyon at ibinulgar na si Cruz nga at hindi si Marquez ang bagong brand ambassador ng shawarma brand.

Gayunman, muling nabuksan ang usapin nang matalakay ito sa late night talk show na ‘Tonight with Boy Abunda’ kung saan nag-guest si Marquez.

Inumpisahan ng host na si Boy Abunda ang panayam kay Marquez sa pamamagitan ng pagbato ng tanong mula sa kanilang Facebook follower.

Gustong malaman ng netizen kung anong pakiramdam ni Marquez ngayong magkahawig na sila ni Cruz.

Bago sagutin ni Marquez ang tanong, nagpakita muna si Abunda ng ilang larawang ipinagkukumpara ang mga larawan ng dalawang aktor.

“Masaya ako dahil idol niya ako. Magkamukha naman talaga kami ni John Lloyd dati pa,” sagot ni Marquez sa tanong ni Abunda kung anong pakiramdam niya na ginagaya umano siya ni Cruz na nakapahinga ngayon sa showbusiness.

Larawan mula sa YouTube video ng ABS-CBN

Nag-viral sa social media ang tila bagong look ni Cruz na mayroong mahabang buhok at balbas-sarado na may pagkakahawig sa naging signature look ni Marquez.

Bago pa man ang paglabas ng tila mahiwagang advertisement, vocal naman si Marquez na isa sa mga idolo niya sa showbiz ay si Cruz na madalas niyang ipahayag sa pamamagitan ng kanyang social media accounts.