#DogMomsDay, ipinagdiriwang bago ang Mother’s Day

Imahe mula sa Pexels

Hindi lamang “man’s best friend” kung ituring ang mga alagang aso. Itinuturing din ang mga ito bilang anak, lalo na sa mga kababaihan na kinikilala ang sarili bilang “dog moms.”

Ayon sa survey ng Rover, tatlo sa apat na kababaihan na may alagang aso ang nagtuturing dito bilang kanilang mga anak.

Ang pagkuha ng dose-dosenang mga larawan, pagdiriwang ng kaarawan, at pagkukuwento sa mga kaibigan tungkol sa mga alagang aso ang ilang senyales na dog mom ang isang babae.

Sa mga sumagot sa survey, 40 porsiyento nito ang pinagpupuyatan ang pag-aalaga sa aso mabigyan lamang ito ng komportableng buhay. May mga umamin pa nga na hindi sila pumapasok sa trabaho kung may sakit ang kanilang mga ‘anak.’

imahe mula sa Pixabay

Samantala, 50 porsiyento ng mga dog moms ay laging ipinagmamalaki ang kanilang ‘anak’ sa mga kaibigan sa tuwing magkikita. Nasa 62 porsiyento naman ang umamin na marami silang kuhang larawan ng mga ito.

Ang pagbili ng mga bagong gamit para sa alagang aso tuwing may espesyal na okasyon ay isang natural na gawain din ng mga dog moms.

Kaugnay rito, may isang araw na nakalaan para sa mga kababaihang single ngunit itinuturing nilang anak ang alagang aso upang ipagdiwang ang kanilang pagiging ‘nanay.’

Ayon sa National Day Calendar, ipinagdiriwang ang National Dog Mom’s Day tuwing ikalawang Sabado ng Mayo — isang araw bago ang Mother’s Day. Iprinoklama ang pagdiriwang noong 2018.

Imahe mula sa Pixabay

Layunin ng pagdiriwang na kilalanin at bigyang-pugay ang mga kababaihang may alagang aso sapagkat tulad ng isang anak, patuloy rin nilang inaalagaan nang mabuti ang kanilang aso.

Sa espesyal na araw na ito, gawin ding extra special ang mga nakasanayang gawain kasama ang minamahal na alaga.

Ang Dig-Dog Person’s Dating App ang nagtaguyod ng National Dog Mom’s Day. Ang mga makikiisa sa pagdiriwang ay hinihikayat na gumamit ng #DogMomsDay sa kanilang mga social media accounts.