Cynthia Villar, Manny Pacquiao nangunguna sa listahan ng pinakamayayamang senador

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Nangunguna pa rin sa pinakamayayamang senador sina Cynthia Villar at Manny “Pacman” Pacquaio, batay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng mga senador noong 2018 na inilabas sa media nitong Lunes, Mayo 27, 2019.

Si re-elected senator Cynthia Villar, asawa ng bilyonaryo at dating senador na si Manny Villar, ay may kabuuang net worth na 3.7 bilyong piso. Pumangalawa naman ang “Pambansang Kamao” na si Senador Manny “Pacman” Pacquiao na may 3 bilyong piso.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sumusunod sa kanila sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto (Php 555,324,479.82), Senate Majority Leader Migz Zubiri (Php 182,851,570.34), Sonny Angara (Php 135,840,710), JV Ejercito (Php 132,820,345.73), Senate Minority Leader Franklin Drilon (Php 97,726,758), at Win Gatchalian (Php 96,210,607.14).

Sumunod kay Gatchalian si re–elected Senator Grace Poe (Php 93,039,921.54), Dick Gordon (Php 71,285,178.56),  Senate President Tito Sotto (Php 70,120,700.30), re–elected Senator Nancy Binay (Php 60,132,461), Loren Legarda (Php 56,290,602.11), Bam Aquino (Php 45,205,138.25), at Ping Lacson (Php 42,442,341).

Sumunod kay Lacson sina re–elected Senator Koko Pimentel (Php 28,662,212), Joel Villanueva (Php 26,921,555),  Gringo Honasan (Php 25,882,099), Kiko Pangilinan (Php 16,695,048.17), Risa Hontiveros (Php 15,627,176.04), Chiz Escudero (Php 10,575,228), Leila de Lima (Php 7,706,392.45), at Antonio Trillanes IV (Php 7,533,012.10).

Lumobo naman ng 53. 9 milyong piso ang net worth ni JV Ejercito mula sa 78. 9 milyong piso noong 2017. Ipinaliwanag ni Ejercito, na sinawimpalad na matalo sa nakaraang halalan, na lumaki ang kanyang net worth dahil sa mga donasyon at pamana sa kanya at sa kanyang asawa tatlong taon na ang nakalilipas.

Aniya, huwag naman na sanang “pag-initan” pa ang dagdag na 50 milyon sa kanyang net worth dahil mas malaki pa umano ang kanyang utang sa bangko.

“Pag-initan pa ba ang 50-million pesos inheritance? Ang laki naman! Mas malaki utang ko sa bangko!”

Bukod kay Ejercito, lumaki rin ang net worth nina Koko Pimentel, Chiz Escudero, at iba pang 16 na senador.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sa kabilang banda, nabawasan naman ang net worths nina Risa Hontiveros, Leila De Lima, at Nancy Binay na muling naihalal bilang senador.