Comfort food with a twist: Mango graham taho, tinakam ang mga netizens

Larawan mula sa Facebook account ni Megan Flores Bueno at Philippine Information Agency

Kamakailan, naging trending ang iba’t ibang flavor ng paborito nating almusal at comfort food — ang taho.

Hindi na bago para sa maraming taho lovers ang strawberry taho na naging tanyag sa summer capital ng bansa na Baguio City, at nitong buwan lamang na ito, ang buko pandan taho naman ng Las Piñas ang gustong matikman ng marami sa atin.

Ngunit hindi pa man nakaka-recover ang marami sa atin mula sa pagkatakam sa buko pandan taho, tila mayroong bagong cravings na naman ang mga netizens dahil trending ngayon sa social media ang mango graham taho.

Larawan mula sa Facebook account ni Megan Flores Bueno

Sa isang Facebook post ng social media user na si Megan Flores Bueno, ibinahagi niya ang masarap na flavor ng magtatahong si Mang Lando.

“Sa wakas! Ang malupet na Mango Graham Taho ni Mang Lando! Saraaaaapp!!” sabi ni Bueno sa kanyang post na umabot na sa higit 17,000 reactions at halos 27,000 shares.

Hindi nalinaw sa post ni Bueno kung saan nagtitinda si Mang Lando ng kanyang trending taho flavor ngunit ayon sa komento ng isang netizen, nakita raw niya ang manong na nagtitinda sa isang simbahan sa Antipolo.

“Nakita ko na siya nagtitinda sa Antipolo, simbahan,” sabi ng isang netizen na nagtanong kung saan makikita ang vendor ng mango graham taho.

Maraming netizen ang gustong mahanap kung saan nagtitinda si Mang Lando dahil patok ngayon sa maraming Pinoy ang mango graham.

Noong 2018, biglang naging tanyag na inumin ang mango graham shake at nagsulputan ang iba’t ibang establisimyento na nagbebenta ng kani-kanilang bersyon ng pampalamig.

Kalaunan, naging flavor na rin ito ng iba’t ibang mga pagkain at pampalamig katulad ng cake, ice cream, at maging ice candy.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Hindi na rin nakapagtataka na nahilig ang mga Pilipino sa mango graham flavored-food tulad ng taho dahil kilala ang Pilipinas sa buong mundo dahil sa masasarap nating manga.

Maliban sa mango graham, ibinebenta rin ni Mang Lando ang tatlo pang flavors: ang milk, caramel, at strawberry na makikita sa signage sa larawang naka-upload sa account ni Bueno.