Dreaming to be a Pilot? Cebu Pacific, mayroong “Study now pay later” program sa mga gustong maging piloto




Larawan mula sa Cebu Pacific

Bubuksan ng Cebu Pacific ang pinto para sa mga nais maging piloto at ipadadala sa isang flight school sa Australia sa pamamagitan ng kanilang “Study now, pay later—zero interest” program.

Maglalaan ng 16 na slots ang Cebu Pacific na masusing pipiliin ng budget carrier at sasailalim sa pilot training sa Flight Training Adelaide (FTA) SA Australia.

Kinakailangang isang Filipino citizen, nakapagtapos ng anumang apat na taong kurso sa kolehiyo, mahusay sa pagsasalita ng wikang English, at mayroong pinakamababang average na 80 sa Math, English, at Physics.

Larawan mula sa Cebu Pacific

Magsisimula ang paghahanap nila ng mga future pilot sa ika-17 ng Mayo at tatagal hanggang sa ika-26 ng nasabing buwan.

Kapag napili na ang mga aplikanteng pumasa sa screening process, daraan pa sila sa pagsala ng kompanya sa pamamagitan ng serye ng interviews, computer skills examination, psychological at medical examinations, at English fluency test.

Sa oras na mapili ang 16 na aplikante, daraan sila sa isang on-site screening at core skill and pilot aptitude test na mayroong P19,000 na bayad.

Gayunman, walang anumang gagastusin ang kanilang 16 pilot scholars sa pag-aaral sa abroad at siguradong kukuhanin nila bilang empleyado ng Cebu Pacific matapos ang training.

Ang mga magtatagumpay bilang piloto matapos ang graduation ay magkakaroon ng salary deduction sa loob ng sampung taon na walang interes.

Tatagal ng isang taon o 52 na linggo ang flight training kasama ang ibang skills and learning sessions sa FTA.

Larawan mula sa Pexels

Matapos ang pag-aaral sa Australia, mayroong apat na linggong training dito sa Pilipinas sa ilalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang magkaroon ng lisensya bilang piloto.

Inumpisahan ng Cebu Pacific ang study now, pay later program noong 2017 at nakapag-employ na ng higit sa 80 piloto mula sa 38,000 na aplikante.

Mag-uumpisa ang training ng batch 2019 sa darating na Hulyo.

Ang Cebu Pacific ay pagmamay-ari ng Gokongwei group of companies.