Captain Marvel, Hawkeye at Nick Fury, inihambing sa coaches ng “The Voice of the Philippines”




Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sadyang “malikhain” ang mga Pilipino pagdating sa paggawa ng mga memes at pagbuo ng mga bagay na nagbubunsod ng katatawanan sa social media platforms. Hindi nakaligtas dito ang pinag–usapang pelikulang “Endgame”.

Kinaaaliwan ngayon sa Twitter at Facebook ang isang Twitter post ng nagngangalang @avengethor kung saan inihalintulad niya ang ilang mga karakter sa Endgame sa mga batikang Filipino singers na coach din sa singing reality competition na “The Voice of the Philippines”.

Inihambing si Captain Marvel sa kamukha raw nitong si Coach Lea Salonga, si Hawkeye naman kay Coach Bamboo, at si Nick Fury naman kay Coach Apl De Ap.

“Imagine mo naging Avenger ka tapos pinapili ka kung kay Coach Lea, Coach Bamboo o Apl De Ap ka ba mapupunta”.

Larawan mula sa Twitter account ni @avengethor

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizen.

“Ang funny naman nito, hahaha. Kamukha nga ni Coach Lea si Captain Marvel noong nagpatabas na siya ng buhok. They are both beautiful and empowered women!”

“HAWKEYE bilis namang maglaho ng pag–ibig mo, sinta. Daig mo pa ang isang kisap–mata!  Hahaha. Oo nga, magkahawig sina Hawkeye at Coach Bamboo.”

“Si Nick Fury at Coach Apl De Ap, magkamukha talaga sila… at pareho pa silang may concerns sa mga mata nila. What a coincidence!”

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Si Lea Salonga ay isang mahusay na mang–aawit at aktres sa tanghalan, telebisyon, at pelikula. Mas nakilala si Lea sa buong daigdig bilang isang magaling na aktres sa mga musical plays, lalo na sa mga markadong pagganap niya bilang “Miss Saigon”, at bilang “Eponine” at “Fantine” sa “Les Miserables” at marami pang iba. Tinagurian siyang “Disney Legend” noong 2011 dahil sa kanyang natatanging kontribusyon sa “The Walt Disney Company”.

Si Bamboo Mañalac ay isang Filipino-American na mang–aawit at song composer na nagsimula bilang vocalist at frontman ng bandang “Rivermaya”, at pagkaraan ay lumikha ng sarili niyang banda na “Bamboo”. Na-disband ito noong 2011, at ipinasya niyang maging solo artist.

Si Allan Pineda Lindo o mas kilala bilang Apl De Ap ay isang Filipino–American rapper, mang–aawit, at record producer na nakilala bilang isa sa mga kasapi ng Grammy Award–winning international hip hop group na “The Black Eyed Peas”.

Feeling flattered naman si Lea Salonga dahil sa paghahambing sa kanya kay Captain Marvel na ginampanan ni Brie Larson batay sa kanyang Twitter post noong Abril 29, 2019.

Larawan mula sa Twitter account ni Lea Salonga

Samantala, wala pa namang reaksyon sina Bamboo, at Apl De Ap hinggil sa nakatutuwang Twitter post na ito.