Campaign tarps ng mga politiko sa Baliwag, magaganda at makukulay na eco-bags na ngayon




Imahe mula sa MENRO Baliwag FB page

Tuwing panahon ng halalan, hindi magkandaugaga ang mga politiko sa pagdidikit ng kanilang mga materyales pang-kampanya; kahit nga ang ilan sa mga lugar na hindi nila dapat lagyan ay hindi nila pinapatawad.

Kaya’t inaasahan na pagkatapos ng eleksyon ay bumabaha ng basura sa paligid.

Mabuti na lamang at mayroong mga inisyatibong ang pamahalaan, maging ang mga mapagmalasakit na grupo, upang mga basurang ito’y hindi na kailanganing sunugin. Pagreresiklo ang tawag dito, at dito ay gumagawa sila ng mga panibagong produkto mula sa mga luma o patapon nang bagay para mapakinabangan pa.

Imahe mula sa MENRO Baliwag FB page

Nitong Huwebes, nag-post ang MENRO Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, ng mga larawan ng mga makukulay at magagandang mga eco-bags mula sa mga tarpaulin ng mga kumandidato nitong nakaraang halalan.

Batay sa post, ang 100 eco-bags ay mula sa higit 50 kilos ng campaign tarpaulins na nabaklas ng mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng bayan bilang bahagi ng kanilang Eco Livelihood Program at pagsusulong ng pagreresiklo ng kanilang pamahalaang bayan.

Sabi ni MENRO Officer Edgar Luna, inatasan sila at mga punong barangay ng kanilang alkalde Ferdie Estrella para ipunin ang mga tarpolin at iresiklo.

Alinsunod din umano ito sa panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) na kailangang baklasin ang mga campaign material matapos ang halalan.

Ang mga eco-bag ay mabibili sa halagang Php50 hanggang Php100 sa Baliwag Pasalubong Center at Baliwag Climate Change Center.

Imahe mula sa MENRO Baliwag FB page

Mapupunta naman sa mga benepisyaryo ng Eco Livelihood Program ang mga malilikom mula dito.

Umani ng maraming papuri mula sa mga netizens ang nasabing inisyatibo.

“Ang gagaling talaga ng mga taga-Bulacan. Good job po! Sana gawin din ito sa ibang lugar,” sabi ng isa.

Maliban dito, ibinahagi naman ng JunkNot Eco Creatives na maaari ring maging isang panibagong upuan ang mga election campaign material.

Mababawasan nito ang polusyon sa paligid at makakapagsalba sa mga nakatira sa dagat, dagdag ng JunkNot.

Imahe mula sa MENRO Baliwag FB page