Braso ng sanggol na mukhang monay, kinaaaliwan




Imahe mula sa Facebook (Vernalyn Navarro Lupango)

Kailan ka huling nakakita ng sanggol? Ano ang naramdaman mo nang makita ito? Nakalimutan mo sandali ang iyong problema, ‘di ba?

Ayon sa mga siyentista, nakaprograma ang mga may-gulang na o matatanda na matuwa tuwing nakakakita ng sanggol. Ito ay upang masiguro na maaalagaan natin ang sanggol sa kabila ng walang sawang pag-iyak nito at mga gabing kulang tayo sa tulog at pahinga.

Ayon sa mga pag-aaral, ang mata ng sanggol ang ating pinakakinatutuwaan, lalo na kung malalaki ito. Sa katunayan, pagtuntong ng sanggol sa ikatlong buwan, ang lapad ng mata nito ay lapad na ng mata ng may-gulang na o matanda. Mananatili itong malaki hanggang sa lumaki na rin ang iba pang bahagi sa mukha ng sanggol.

Bukod sa mata, madalas din tayong natutuwa sa kanilang maliit na ilong at bibig. Nakatutuwang pagmasdan ang kanilang paghinga at pagbuka ng bibig na tila gustong magsalita.

Imahe mula sa Facebook (Vernalyn Navarro Lupango)

Paano pa kaya kung bilog na bilog ang mga braso at binti ng sanggol? Siguradong higit pa ang kasiyahang dulot ng mga ito sa mga magulang at ibang taong nakakakita.

Tulad na lamang ng sanggol na may mala-monay na mga braso na makikita sa viral na larawan sa Facebook.

Noong April 27, 2019, ini-upload ni Vernalyn Navarro Lupango ang larawan ng kaniyang sanggol na si Vetina Ashley Silorio. Nilagyan niya ang ipinost na larawan ng caption na, “Meryenda tayo monay ni aling veti.”

Makikita sa larawan ang bilugang mga braso ng sanggol na maihahalintulad ang itsura at laki sa monay.

Imahe mula sa Facebook (Vernalyn Navarro Lupango)

Marami ang natuwa sa ipinost niyang larawan ng anak. Hindi niya inaasahan na maraming magla-like, magko-comment, at magse-share ng kaniyang post.

As of May 3, 2019, mayroon na itong 28,000 likes, 17,000 comments, at 88,000 shares. Nafeature na rin ang larawan ni Baby Veti sa iba’t ibang news sites at social media accounts sa ibang bansa.

Marami rin daw ang nagtatanong kung ano ang gatas na iniinom ng sanggol. Ayon sa kaniyang ina na si Lupango, pinapa-breastfeed niya ang anak. Wala rin itong vitamins na iniinom.

Iba talaga ang sustansyang dulot ng gatas mula sa ina. Kaya Pilipino man o foreigner ay hindi maitago ang tuwa at panggigigil sa cute na cute na sanggol na ito.

Source :

Facebook, Parents