Bong Revilla sa mga kritiko: “Magtatrabaho ako at hindi sasayaw ng budots sa Senado”

Mga larawan mula sa Facebook account ni Ramon "Bong" Revilla

Ipinagdiinan ni dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na magtatrabaho siya nang husto at hindi sasayaw ng “budots” sa Senado; bagay na binabatikos sa kanya ng mga kritiko.

Ayon sa panayam kay Revilla ng AM radio station na DWIZ noong Sabado, Mayo 18, 2019, sinabi niyang magpe-perform siya sa Senado, hindi ng “budots”, kundi ng serbisyo–publiko para sa mga mamamayang muling nagtiwala sa kanyang kakayahan, sa kabila ng mga pambabatikos na kanyang natatamo sa social media, at pagkakaugnay niya sa multi–billion pork barrel scam.

“Well you know, kung paano ako magtrabaho, kung anuman ang komite nating mahawakan, tayo ay magsisilbi sa bayan,” paliwanag ni Revilla.

Matatandaang ang naging campaign advertisement ni Revilla sa telebisyon ay ang pagsayaw niya ng “budots” na umani ng katakot–takot na kritisismo.

Image capture mula sa YouTube channel

Biro pa niya, handa niyang turuan ng budots ang kanyang mga kritiko upang maibsan ang tensyon sa mga ito at huwag maging masyadong seryoso sa buhay.

Naging mahigpit ang labanan sa pagitan ng ika–10 hanggang ika–12 pwesto sa pagka–senador, lalo’t urong–sulong si senatorial candidate Bam Aquino sa ika–13 pwesto sa pagpasok sa Magic 12.

Si Bong Revilla ay anak ng dating senador at aktor na si Ramon Revilla, Sr. Unang naging senador si Bong Revilla noong 2004 bilang successor ng kanyang ama. Muli siyang tumakbo at nanguna sa senatorial race noong 2010.

Noong 2014, nadawit ang kanyang pangalan kay “Janet Lim Napoles”, dahil sa usapin ng pork barrel scam at inakusahan ng pandarambong, kasama sina dating senador Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada. Noong 2018, siya ay pinawalang–sala sa kasong ito subalit ipinasasauli sa pamahalaan ang 124.5 milyong piso dahil sa civil liability.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Bilang artista, si Revilla ay nakilala sa pagbida sa iba’t ibang mga programang pantelebisyon at pelikula tulad ng “Ang Panday”,  “Agimat”, at marami pang iba.