Best actress: Vlogger, ‘di na umano uulit matapos mapaiyak ang Ina sa video




Screenshot mula sa video ni Camille Lumibao sa Youtube

Nalalapit na nga ang pagdiriwang sa Mother’s day.

Ang karamihan ay nag-iisip na ng pakulo o kakaibang gimik upang maging makabuluhan at hindi malilimutan ang pagdiriwang sa araw ng mga Ina.

Ito ay araw kung kailan ipinagbubunyi at inaalala ang kanilang mga sakripisyo upang maitaguyod nang marangal ang kanilang pamilya.

Pinararangalan din sa araw na ito ang mga nilalang na tumayong ilaw ng tahanan na hindi napagod suportahan ang pangangailangan ng kanilang mga anak.

Mala-MMK naman ang naging kaganapan sa tahanan ng isang Youtube vlogger matapos niyang magpanggap na may amnesia sa harap ng kaniyang Ina.

Screenshot mula sa video ni Camille Lumibao sa Youtube

In-upload ni Camille Lumibao ang kaniyang video sa Youtube na may titulong “I lost my memory prank on mom (Di Kita Nanay)” noong April 21 kung saan siya ay nagpanggap na hindi makilala ang mismong ina.

May pag-aalinlangan man sa gagawin ay ipinaliwanag ng vlogger ang kaniyang plano sa unang bahagi ng video.

Pagkatapos ng ilang minuto ay tinawag na niya ang kaniyang ina at saka sinimulan ang plano.

Umarte si Camille na hindi niya kilala ang picture na nasa T-shirt niya, maging ang mga taong nag-text sa kaniya.

Bagama’t naguguluhan at may pag-aalala ay sinagot naman siya ng kaniyang ina. Hinilot niya ang anak habang pinapayuhan tungkol sa pagpupuyat, pagbabasa ng buhok, at maging sa mga kinakain nito..

“Eh ikaw, sino ka?” sabi ni Camille sa Ina.

Screenshot mula sa video ni Camille Lumibao sa Youtube

Ilang sandali pa ay naging makabagbag-damdamin na ang mga sumunod na eksena.

Umiyak si Camille habang sinasabi sa ina na huwag siyang hawakan sapagkat hindi niya ito kilala.

Napahagulgol naman ang kaniyang ina sa acting ni Camille kaya ‘di naglaon ay umamin na rin ang vlogger na joke lang ang lahat ng iyon.

Niyakap ng ina si Camille at sinabing ayaw niyang mangyari ito sa kaniyang anak.

Ayon sa vlogger, nakailang-ulit siya sa paghingi ng sorry sa ina at nangako siya na hindi na niya ito muling gagawin.

Source :

Youtube