Beautiful Family: Mga larawan ng Dantes Squad, umani ng paghanga sa social media

Larawan mula sa Instagram account nina Dingdong Dantes at Marian Rivera

Parang isang feel good teleserye na sinusubaybayan ng mga netizens ang buhay ng Kapuso primetime king and queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Mula nang isilang ang kanilang panganay na si Zia, hanggang sa pagdating ng pinakabagong miyembro ng Team Dantes na si Baby Ziggy, ay laging trending sa social media ang kanilang post tungkol sa kanilang masayang pamilya.

Sa pinakabagong Instagram post ng mag-asawa sa kani-kanilang account, ipinasilip nila ang kanilang unang family picture na kasama si Baby Ziggy.

Larawan mula sa Instagram account ni Marian Rivera

Unang nag-post si Rivera ng kanilang larawan at nagpasalamat siya sa pagkakaroon ng isang masayang pamilya na pinakamagandang regalo raw para sa espesyal na araw ng mga ina.

“Salamat Ama, for my greatest gifts,” sabi ni Rivera sa kanyang post na nilahukan ng isang hashtag na #TheDantesSquad at mayroon nang mahigit 685,000 likes as of posting.

Isang oras ang lumipas, sumunod namang nag-post si Dantes ng kanilang larawan at sinabing nagkatotoo ang kanyang mga pangarap dahil sa misis na si Rivera, kasabay ang pagbati para sa araw ng mga ina.

“A realized dream—all because of you, Marian Rivera. Happy Mother’s Day to this little family’s SuperMom,” pahayag ng aktor sa kanyang post na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 237, 000 likes.

Umani ng mga positibong komento ang larawan ng Kapuso royal couple mula sa kanilang fans at mga kapuwa celebrity na hindi napigilang hangaan ang cuteness ng kanilang pamilya.

“This is too special,” sabi ni Iya Villania-Arellano na isa ring celebrity influencer at ina.

“Napakagandang pamilya,” paghanga ng StarStruck alumna at mabuting kaibigan ng mag-asawa na si Sheena Halili.

Larawan mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes

“Oh my God. This is perfect! Your caption is full of love,” sabi naman ng isa nilang fan na halatang kilig na kilig sa sinabi ni Dantes.

Bago ang kanilang family picture, inabangan na rin sa social media ang mga larawan ng Team Dantes noong buntis pa si Rivera at ang unang retrato nina Zia at Baby Ziggy na lahat ay nag-trending.