“Bamboo straws” ng Misamis Occidental ibinida: Mura na, ecological-friendly  pa




Imahe mula sa Jaylo Estoque Facebook post

Ipinagmamalaki ngayon ng Misamis Occidental ang kanilang mga “bamboo straws,” at bilang tugon na rin sa lumalalang polusyon sa plastic.

Sa Facebook post ni Jaylo Estoque ng provincial tourism office, ang mga straw na gawa sa bamboo ay nagkakahalaga ng 10 piso lamang bawat isa. Ito’y mabibili sa  Misamis Occidental Enterprise Development and Research Center sa Oroquieta City.

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi ni Estoque, manager ng pasalubong center, na ang kanilang opisina ay kinumbinse ng  Concepcion na lumikha ng ganitong straw na abot ng mga mamamayan lalo na’t mayaman sa bamboo plants ang lugar.

“Kasi bandang bundok na ang area nila at marami rin ang bamboo sa kanila. Para dagdag income na rin sa mga indigenous people,” ani Estoque.

Ang ideyang ito’y mula sa kanilang pagbisita sa Bukidnon province kung saan ang paggamit at pamamahagi ng bamboo straws ay pangkaraniwan lamang, ayon kay kay Estoque.

“Nagpunta po kami sa Bukidon. Nakita namin na may tindahan doon na nagbebenta ng bamboo straws. Nagka-idea kami since marami namang bamboo ang Misamis Occidental, why not copy them, nakakatulong pa kami sa nature,” patuloy pa nito.

Hinikayat din ni Estoque ang publiko, maging ang mga turista, na gumamit ng bamboo straw sa halip na plastic straw dahil ito’y hindi lamang  eco-friendly kundi isa ring “reusable” alternative.

Ang mga plastic straw ang madalas ka-partner sa pag-inom ng mga beverage drinks ngunit unti-unti itong nagiging banta sa kalikasan.

“Hindi na po kailangang gumamit ng plastic straw. Pangmatagalan po ang bamboo straw. Kahit ilang beses niyo siya gamitin. Hugasan n’yo lang at patuyuin,” saad pa nito.

Kamakailan ay naging viral sa social media ang Siargao Island dahil sa paggamit nito ng “Lukay” straws na gawa sa palm leaves o dahon ng niyog.

Imahe mula sa Virtual Pinoy

Ang Pilipinas ay isa sa world’s leading plastic polluters of the ocean, ayon sa environmental watchdog Greenpeace.

Sa pag-aaral ng British packaging supplier Rajapack, nasa pagitan ng 4.8 to 12.5 milyong tonelada ng basurang plastic ang napupunta sa karagatan kada taon.  Kung ito’y magpapatuloy pa, mas maraming plastic  ang matatagpuan sa karagatan kaysa mga isda sa taong 2050.