Ayon sa pag-aaral: “Basta kalbo, mas macho at gwapo”




Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

“Beauty is relative”, wika nga. Maaaring ang isang bagay na kaaya–aya sa iyong mga paningin ay hindi naman sa iba, o maaaring baligtad naman. Tulad na lamang ng pagiging “kalbo” o kawalan ng buhok sa ulo.

Ayon sa isinagawang pag–aaral ni Albert E. Mannes na may pamagat na “Shorn Scalps and Perception of Male Dominance”, noon daw ay ibinabatay ang pagiging macho at gwapo sa kapal ng buhok sa ulo. Ikinahihiya raw ng mga lalaki noon ang pagkapanot o pagkakalbo na nagiging dahilan upang bumaba ang kanyang tiwala sa sarili.

Ang pagkapanot o pagkakalbo ay isang kondisyon na maaaring pagdaanan ng isang lalaki. Maaaring ito ay dahil hereditary o namamana dahil sa genes, o maaari din namang dahil sa mga “extrinsic” o panlabas na dahilan tulad ng stress o labis na pagkapagod sa pisikal, mental, at emosyunal na aspeto ng buhay.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Kaya nauso ang pagsusuot ng mga peluka o wig sa mga lalaking napapanot o nakakalbo. Ang iba naman, gumagamit ng iba’t ibang mga produkto upang mabilis na mapatubo ang buhok, lalo na sa bandang bumbunan, o kaya nama’y sa tuktok.

Hindi ba’t may linya sa isang sumikat na awitin ng isang banda na “Anong paki mo, sa long hair ko. Inggit ka lang, kasi ikaw, nakakalbo?” Patunay ito na may kaunting “diskriminasy0n” noon kapag kalbo ang isang lalaki.

Ngunit maaalalang ilan sa mga sikat na Hollywood actors ang ipinagmamalaking sila ay kalbo, tulad nina Jason Statham, Bruce Willis, Dwayne Johnson, at marami pang iba. Para sa maraming babae, mas mukhang matalino at malakas ang mga lalaking kalbo.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Habang dumaraan ang panahon, unti–unti nang nabago ang pananaw na ito. Kapag kalbo raw, “mas macho at mas gwapo”. Karamihan sa mga haircut ngayon ng mga  lalaki ay patungo na sa “semi–calbo” habang ang iba ay ipinatatanggal o ipinaaahit na talaga ito.

Bukod sa mga lalaki, may mga babae ring nagpapakalbo at bumabalikwas sa nakasanayang norms o pamantayan ng lipunan na dapat mahaba at makinang ang buhok ng isang babae.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain