Andrea Brillantes, Francine Diaz ibinahagi ang kanilang pagkakaibigan sa likod ng mga tumitinding eksena sa Kadenang Ginto




Imahe mula kay Andrea Brillantes at Francine Diaz via Instagram

Talaga namang kaabang-abang ang mga eksena nina Andrea Brillantes bilang Marga at Francine Diaz bilang Cassie sa panghapong drama ng ABS-CBN na Kadenang Ginto.

Itinuturing ngayon ang dalawang artista na makabagong Kathryn Bernardo at Julia Montes dahil sa kanilang mga tumitinding eksena. Ayon naman sa dalawa, malayo sa tunay na buhay ang kanilang mga ginaganapang karakter.

Imahe mula kay Francine Diaz via Instagram

“Ako po ‘yung naunang nanakit sa kanya. Sobrang nagalit ako sa kanya. Lumaban na po siya sa akin. Tumapon ang salamin ko. Oh, my God. Ganoon pala ‘yun. Yung scene na ‘yun, kinabahan po talaga ako, nadala rin ako doon,” pagbabahagi ni Francine. “Bago po kami mag-away ay tumatawa po kami so nahihirapan po kami ikontrol minsan ang tawa,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Andrea, dahil sa palabas ay naging malapit sila sa isa’t isa at madalas ay napag-uusapan nila ang maraming mga bagay.

“Napakarandom po ng mga topics namin, minsan tungkol sa end of the world, kung paano nabuo ‘yung mundo. Tapos minsan, napupunta kami sa anxiety tapos mapupunta kami sa pressure,” kuwento niya.

“Kasi syempre, bata pa lang kami tapos nae-expose na kami sa madaming tao. So minsan, magkaka-anxiety kami na, ‘Okay ba ‘tong ginagawa namin? Yun ‘yung lagi naming pinag-uusapan e. Paano ‘pag ‘di namin nabigay ‘yung lahat namin sa eksena na ‘to?” patuloy ni Andrea.

Imahe mula kay Francine Diaz via Instagram

Ang naturang serye ay hindi lamang sa telebisyon namamayagpag dahil pinag-uusapan din ito online. Mayroon itong YouTube account kung saan araw-araw ay may ipinapakitang mga aabangang eksena at umaabot sa higit isang milyon ang views ng mga ito.

Nakaaaliw rin ang kaliwa’t kanang mga memes na ginagawa ng mga fans mula sa mga eksena kung saan binibigyan ng ibang diyalogo o eksena ang mga karakter upang maging nakatatawa ang mga ito.

Nitong nakaraan lamang ay binigyan ng parangal ang Kadenang Ginto ng Best Daytime Drama Series mula sa 2019 Golden Laurel Awards ng Lyceum of the Philippines, Batangas.