Amo goals: Robin Padilla at Mariel Rodriguez, hinangaan ng mga netizens dahil sa surpresa sa mga kasambahay

Larawan mula sa Instagram account ni Mariel Rodriguez-Padilla

Madalas, pinabibilib ng mga celebrity ang kanilang fans sa pamamagitan ng kanilang talento sa pag-awit, pagsayaw, o pag-arte.

Ngunit hindi rin maikakailang maraming artista ang nakakukuha ng fans sa pamamagitan ng pagpapakita ng kagandahang loob sa kabila ng kasikatang natatamasa.

Ito ang pinatunayan ng Kapamilya power couple na sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez nang ibahagi nila sa kanilang followers ang mumunti ngunit tagos sa pusong sorpresa nila sa kanilang mga kasambahay.

Larawan mula sa Instagram account ni Mariel Rodriguez-Padilla

Sa Instagram post ni Rodriguez, makikita ang larawan niya at ng anak na si Isabella kasama ang kanilang anim na kasambahay na inalayan nila ng bouquet.

Ayon kay Rodriguez, nararapat lamang na sorpresahin nila ang kanilang mga kasambahay dahil bilang ina, alam niya ang paghihirap at saya ng pagiging isang nanay.

“To me, Mother’s Day is most important. Iba ang hirap at saya ng pagiging ina. I wanted all the moms in our household to feel that they should and deserve to be honored. Salamat dahil nanay-nanayan din kayo ni Isabella,” sabi ni Rodriguez sa kanyang post na umani ng halos 40,000 likes.

Makikita naman sa YouTube video ng Sikat Trendz ang pag-aabot ng mag-ina ng mga bulaklak sa kanilang mga kasambahay.

“Sabi ko maghanda kasi may mga bisitang darating, kayo ang mga bisita,” sabi ni Rodriguez sa video kausap ang mga kasambahay.

Kasunod nito ay inabot na ng mag-ina ang mga bulaklak sa mga kasambahay na hindi maitago ang sayang nadama sa magandang pagtrato sa kanila ng mga amo.

Umani naman ng papuri mula sa mga netizens ang ginawang ito ng mag-asawa at sinabing kahanga-hanga ang pagtrato nila sa kanilang mga kasama sa bahay.

Screenshot mula sa YouTube video ng Sikat Trendz

“Ang swerte ng mga kasambahay n’yo ma’am kasi ang babait n’yo po. Sana lahat katulad n’yo ang pakikitungo sa lahat ng mga kasambahay,” pahayag ng isang Instagram follower ni Rodriguez.

Kamakailan lamang, inanunsiyo ni Rodriguez ang kanyang pagdadalang-tao sa ikalawang anak nila ni Padilla.