Alex Gonzaga, ‘lumipad’ bilang Darna sa kaniyang latest vlog

Screenshot mula sa YouTube

Simula nang mag-back-out si Liza Soberano sa pagganap bilang Darna, ang Star Cinema ay patuloy pa rin sa paghahanap kung sino ang karapat-dapat na gumanap sa iconic role.

May ilang kapamilya stars na rin ang nagpahayag na nais nilang gumanap bilang Darna, tulad ni Julia Barretto kung saan ‘pinagtawanan’ lamang diumano ang kaniyang audition.

Siyempre, hindi pahuhuli ang TV host, actress, comedian, at vlogger na si Alex Gonzaga upang ipamalas ang kaniyang mga ‘hidden talents’ sa pagganap bilang Darna.

Ang almost 11-minute video ni Gonzaga ay nagsimula sa pagpapakilala sa sarili at pagmamalaki sa kaniyang mga talento kung bakit siya ang karapat-dapat na lumipad bilang Darna.

Imahe mula sa Instagram ni Alex Gonzaga

“Marami po akong talent. Kaya ko pong kumanta. Kaya ko pong sumayaw. Kaya ko rin pong magpuyat hanggang alas-singko ng madaling araw. Pero hindi ko po kayang gumising nang maaga kapag puyat ako,” pagpapatawa ni Gonzaga.

Ipinakita rin niya kung paano siya magtikatik nang hindi bumubuka ang bibig at kung paano niya paikutin ang kaniyang dila.

“Marami rin po akong mga hidden talent na hindi ko pa rin po nalalaman hanggang ngayon. Nakatago pa rin sila. Pero sa tingin ko, marami pa,” dagdag pa ng vlogger.

Pagkatapos nito, si Gonzaga ay lumabas sa kanilang bakuran sa Taytay nang naka-Darna costume at nakipagkulitan sa mga kasamahan niya sa bahay.

Screenshot mula sa YouTube

Nagpakita rin siya ng iba’t ibang stunts, tulad ng kung paano ilagan ang mga props ng ‘kaaway.’ Umarte rin siya na nakikipagbakbakan sa mga magnanakaw upang tulungan ang isang babae.

Ipinamalas ni Gonzaga kung paano sumuntok, sumipa, at tumadyak ang isang Darna. Higit sa lahat, ipinakita niya kung paano lumipad nang sakay si “Ding” sa kaniyang likuran.

Ipinaskil rin ni Gonzaga sa kaniyang Instagram account ang pinaikling version ng kaniyang video. Isa si Lucky Manzano sa mga nagkomento rito.

“Cathy Gonzaga sa kaniyang pinaka-demanding na role bilang Bamboo,” komento ni Manzano na kilala sa pang-aasar at pakikipagkulitan kay Gonzaga sa social media.