Alden Richards to Kathryn Bernardo: “Sobrang dali pong pakisamahan, sobrang gaan katrabaho”




Imahe mula sa Instagram (@bernardokath and @aldenrichards02)

Lumipad patungong Hong Kong noong April 8, 2019 sina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa shooting ng kanilang pelikulang “Hello, Love, Goodbye.” Isang buwan silang mananatili sa ibang bansa para sa pelikula.

Marami ang nag-aabang sa nasabing pelikula dahil ito ang unang pagtatambal ng Kapamilya actress at Kapuso actor. Ito rin ang unang proyekto ni Richards sa Star Cinema.

Kumusta na kaya ang first team-up at shooting ng pelikula ng dalawa?

Imahe mula sa Instagram (@aldenrichards02)

Ayon sa aktor, “Sobrang gaan ng shooting namin. Sobrang nilu-look forward ko araw-araw ‘yung shooting days.”

Hindi nahirapang makisama si Richards sa kaniyang mga bagong katrabaho. “Kasi ‘yung treatment na binibigay sa amin ng Star Cinema, kakaiba. Parang hindi nila ako trinato na iba o taga-ibang network.”

“Sobrang saya po, mula director, staff, co-stars to crew, solid po kami. ‘Yun po siguro ang advantage ng small group, mas nagiging intact, at saka iyong out-of-the-country po.”

Hindi na rin siya makapaghintay na matapos ang shooting at mapanood ng kanilang mga fans ang pelikula. “Excited po ako na mapanood nila ito dahil ang ipapalabas po namin sa pelikulang ito ay mga makabagong OFW po.”

Imahe mula sa Instagram (@bernardokath)

Ang “Hello, Love, Goodbye” ang pinakabagong proyekto ng Star Cinema tungkol sa mga OFW. Ito ay sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina.

“Kagaya nga po ng sabi ng Star, it’s been a while since the last OFW movie na nagawa po nila. It’s about time na kamustahin naman natin ngayon. Ano nga ba ang lagay ng mga OFW sa abroad, especially in Hong Kong.? Tribute po natin ito sa mga kababayan natin sa Hong Kong, movie nila ito.”

Naappreciate naman ni Richards ang pagsusumikap ng Star Cinema upang maging maganda ang pelikula. “Ito ‘yung mga nangyayari ngayon, at inaral po talaga nilang mabuti. Si Direk, lumipad back and forth ng Hong Kong to Manila para aralin ‘yung culture ng Pinoy doon. At ‘yung script, grabe po ‘yung script, ang ganda!”

Imahe mula sa Instagram (@bernardokath)

Kumusta naman kaya katrabaho ang Kapamilya actress? “Sobrang dali pong pakisamahan. ‘Yon lang ang masasabi ko,” sagot ng aktor.

“Sobrang gaan katrabaho, ‘yung passion po niya sa ginagawa at ‘yung inputs niya sa project, mas nakakainspire.”