Alden Richards tinulungan ang isang Japanese sa pamamagitan ng pagbili ng produkto nito




Larawan mula sa Instagram account ni Alden Richards

Normal na sa mga sikat na celebrity ang maging abala sa iba’t ibang proyekto — television show, pelikula, endorsements, at kaliwa’t kanang out of town shows.

Ngunit kahit sobrang abala at mabigat ang schedule, marami pa rin sa mga idolo nating artista ang ipinakikita na kahit busy tayo, hindi dapat natin nakalilimutan ang tumulong sa kapuwa.

Ito ang mensaheng iniwan ng tinaguriang Pambansang Bae na si Alden Richards sa kanyang Instagram post kung saan ipinakita ng aktor ang pagtulong sa isang dayuhan habang nagbabakasyon siya sa Japan.

Larawan mula sa Instagram account ni Alden Richards

Ayon sa post ni Richards, bumili raw siya ng handmade na pito o whistle sa isang matandang lalaki na nakilala niya sa Nikko, Japan upang madagdagan ang kita nito na pambili niya ng pagkain at pambayad ng renta sa bahay.

“I bought a handmade whistle from this old man I met in Nikko, Japan. He said he needed the money to pay for his rent and food,” salaysay ng aktor sa kanyang post kasama ang isang larawan niya at ng matanda na kuha sa kanilang family vacation noong Disyembre 2018.

Dagdag pa ni Richards, ang mumunti raw na gawi upang tumulong sa kapuwa ay malaki ang magiging epekto sa buhay ng isang tao.

“A little act of kindness goes a long way so let’s pay it forward and take care of each other,” pagpapatuloy ni Richards sa Throwback Thursday post niya.

Marami ang naantig at nakapulot ng inspirasyon sa post ni Richards at nagbahagi rin ng kanya-kanyang pananaw patungkol sa pagtulong sa kapuwa, maliit man o malaki ito.

“I hope this will post of yours will come across ages. That helping doesn’t need an orchestra. It can be just on a small street outside your home. Keep that good heart of yours and continue to inspire,” sabi ng isang follower ni Richards.

Larawan mula sa Instagram account ni Alden Richards

Kilala si Richards sa kanyang kababaang-loob na madalas niyang ipamalas sa kinabibilangang noontime show na ‘Eat Bulaga’ kung saan naiiyak siya sa mga kuwentong nakaantig dahil daw naranasan niya rin ang iba’t ibang hirap ng buhay.

Sumikat si Richards dahil sa naging tambalan nila ni Maine Mendoza at nakilala bilang ‘Aldub’ na naging daan din sa pagtulong sa mga nangangailangan tulad ng pagtatayo ng Aldub libraries.