Advertising company na ipina-billboard ang dating empleyado, nanganganib matanggalan ng lisensya




Imahe mula sa Raffy Tulfo in Action

Nanganganib na matanggalan ng lisensiya ang isang advertising company dahil sa pagpo-post nila sa billboard ng mga mapanira umanong detalye tungkol sa dating empleyado na may utang sa kompanya.

Dumulog si Maricel Azuelo Garcia sa programa ng TV5 na Raffy Tulfo in Action upang humingi ng tulong laban sa pagpapahiya sa kaniya ng dating pinagtatrabahuang kompanya.

Ayon kay Maricel, laking gulat niya nang malaman na nasa isang billboard sa EDSA ang kaniyang picture kung saan nakalagay ang kaniyang pangalan na may kaso diumano na “sum of money” o pagkakautang.

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Kuwento niya kay Raffy Tulfo, nagtrabaho siya bilang admin at accounting supervisor sa loob ng pitong taon sa advertising company na Adworld Signs and Advertising Corporation. Maayos siya umanong nagpaalam sa kaniyang amo na aalis na siya sa kompanya ngunit ayaw siyang payagan nito.

Iginiit ni Maricel na tinanggap niya ang alok ng kaniyang amo na extension kung saan siya ay on-call duty na lamang. Kapalit nito ay hindi na niya kailangan pang bayaran ang kaniyang loan sa kompanya.

“Nakiusap na ako kay Sir Glen, ilang beses na po, na ipatanggal iyong billboard ko pero hindi niya pa rin tinatanggal,” ayon sa ginang.

Sa salaysay ni Maricel, nagkakahalaga umano ng P34,000 ang kabuuan ng kaniyang company loan. Ipinakiusap rin niyang ikaltas ang kaniyang final pay sa kompanya upang mabawasan ang utang na dapat niyang bayaran.

Image capture mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Aminado si Maricel na maliban sa company loan ay nakawala siya ng pera ng kompanya na umabot sa P30,000. Sinabi rin niya na hindi siya nagtago at binayaran niya ang nawalang pera kaya hindi dapat siya pinagawan ng billboard sa EDSA.

Labis umano ang kahihiyang naidulot nito sa kaniya, ayon sa ginang.

Agad namang kumausap si Raffy ng abogado para ikonsulta ang mga kasong maaaring isampa laban sa Adworld. Kabilang sa mga nabanggit ng abogado ay ang mga kasong libel, unjustification, at kasong administratibo na maaaring makapagpatanggal ng lisensiya ng kompanya.

Mapapanood ang video ng Raffy Tulfo in Action dito.

Source :

Youtube