Yam Concepcion, nababagay rin bang gumanap na Darna o Valentina?

Imahe mula sa Instagram account ni Yam Concepcion

Simula nang inanunsyong hindi na si Liza Soberano ang gaganap bilang Darna sa inaabangang pelikula, naging matunog ang pangalan ng ibang mga artista para sa naturang role at kabilang na rito si Yam Concepcion.

Katatapos lamang ipalabas ang programang “Halik” sa ABS-CBN Network kung saan gumanap si Yam bilang Jade Flores na pinag-usapan ng mga sumusubaybay dahil sa tusong karakter nito.

Kasabay ng matagumpay na pagtatapos ng programa, naging usap-usapan rin ang pangalan ni Yam para sa maging susunod na Darna.

Imahe mula sa Instagram account ni Yam Concepcion at sa Superheroines via Facebook

Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit isa si Yam sa maaaring gumanap ay dahil sa hugis ng kanyang katawan na tiyak ding babagay ang iconic na costume. Bukod pa dun ay ang kapansin-pansing pagkakahawig niya sa isa sa mga gumanap na Darna noon.

Ang daming nagsasabi na kamukha ko si Anjanette Abayari,” sagot niya nang hingiin ang kanyang reaksiyon. Si Anjanette Abayari ang gumanap bilang Darna noong taong 1994 sa pelikulang “Darna! Ang Pagbabalik,” sa direksyon nina Peque Gallaga at Lore Reyes.

“‘Bakit hindi ka mag-audition?’ Mag-audition kaya ako? Pero parang napi-feeling-an ako sa sarili ko. Parang, bagay ba sa akin? Pero siyempre, ’pag naging Darna ka, part na ’yun ng history ng Pilipinas. So nakakatuwa, exciting, why not? Sana,” dagdag ni Yam.

Or puwede ring Valentina, kasi ahas naman si Jade,” pabirong hirit pa niya.

Ang karakter ni Valentina ay isa sa mga mortal na kaaway ni Darna at ang pinakakilala sa lahat. Siya ay nakilala bilang reyna ng mga ahas dahil sa kanyang buhok na puro ahas.

Imahe mula sa Instagram account ni Yam Concepcion

Kabilang sa mga artistang napupusuan ng mga tao na gumanap bilang Darna kapalit ni Liza ay sina Nadine Lustre, Pia Wurtzbach, Kathryn Bernardo, Jessy Mendiola, Jennylyn Mercado, at Maine Mendoza.