Work-from-home scheme, maaari nang ialok ng pribadong sektor sa manggagawa

Imahe mula sa Pixabay

Ilang buwan matapos isabatas ang Telecommuting Act o mas kilala bilang “Work-from-home Law” ay maaari na itong ialok ng pribadong sektor sa kanilang mga manggagawa.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), binigyang-bisa ang batas noong ika-11 ng Abril, labinlimang araw makalipas lagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act 11165 o Telecommuting Act.

Imahe mula sa Pixabay

Ang work-from-home scheme ay alternatibong paraan upang makapagtrabaho ang mga empleyado ng pribadong kompanya sa loob mismo ng kanilang tahanan.

“Ang kasunduan sa trabaho ay hindi dapat bababa sa minimum na pamantayan sa paggawa na itinakda ng batas, at kasama rito ang oras ng pagtatrabaho na dapat bayaran, minimum na oras ng pagtatrabaho, overtime at araw ng pahinga, karapatan sa leave benefit, social welfare benefit at seguridad sa trabaho,” saad ni Bello.

Imahe mula sa Pixabay

Dagdag pa niya, ang pagpapatupad ng sistema ay nakadepende sa desisyon ng tagapamahala ng kompanya. Ito rin ay dapat ay nakaayon sa kasunduan ng manggagawa at ng kaniyang employer kabilang na ang uri ng trabaho na dapat gampanan.

Kinakailangan magkasundo ang dalawang panig sa itinalaga ng DOLE na mutually agreed policy o telecommuting agreement.

Ilan sa mga nasasaklaw ng polisiyang ito ay ang naangkop na pag-uugali at gawa, maayos na alternatibong lugar ng trabaho, paggamit at halaga ng mga kinakailangang kagamitan, pagtalima sa data privacy, at occupational health and safety.

Ayon pa sa DOLE, nararapat na ipagbigay-alam sa pinakamalapit nilang opisina kung sakaling ang work-from-home arragement ay sisimulan ng mga pribadong kompanya.

Source :

DOLE, CNN, Inquirer