Wonder beds: Iba’t ibang disenyo ng kama mula sa Kahoy Wonderland kinatutuwaan online

Larawan mula sa Facebook page ng Kahoy Wonderland

Marami sa atin ang nasasabik sa oras ng pahinga kung saan puwede na tayong humilata at mag-unat sa malambot at komportable nating kama.

Ngunit naisip mo ba na magpahinga sa isang kama na mayroong kakaibang mga disenyo?

Usap-usapan ngayon sa social media ang malilikhain at kakaibang disenyo ng mga kama na ipinagbibili ng Kahoy Wonderland; isang furniture shop sa Mandaluyong.

Larawan mula sa Facebook page ng Kahoy Wonderland

Pagmamay-ari ng kilalang kolektor ng mga vintage item na si Mark Anthony Gianan o “KrazyKyle” sa kanyang mga kaibigan at customer, ang Kahoy Wonderland na unti-unting gumagawa ng pangalan sa woodworking sa Pilipinas dahil sa kakaibang paandar nila sa mga disenyo ng kama.

Makikita sa kanilang Facebook page ang mga kama na ipina-customize ng kanilang mga parokyano, na ang ilan ay mga sikat pang personalidad.

Iba-iba ang konsepto at disenyo ng mga kama. Mayroong mistulang isang double-deck bed na gawa sa LEGO; mayroon ding doll-house inspired double-deck bed na mayroon pang hagdan na nagiging isang cabinet rin.

Larawan mula sa Facebook page ng Kahoy Wonderland

Agaw-pansin din ang isang kama na hango sa drive-thru ng isang fast food restaurant na kasama pa ang istatwa ng mascot nito, gayundin ang mga pambatang kama na isinunod sa iba’t ibang cartoon characters.

Maliban sa kaakit-akit na disenyo ng mga kama, tinitiyak ni Gianan na magandang kalidad ang mga higaan na gawa sa hardwood at marine plywood.

Maaaring magpagawa ang isang customer ng disenyong ayon sa kanyang gusto at tatagal ng siyam hanggang labindalawang araw ang hihintayin upang mabuo ang kama na tatrabahunin ng grupo ng mga karpentero mula sa Kahoy Wonderland.

Maliban sa mga kama, gumagawa rin ang Kahoy Wonderland ng iba’t ibang kasangkapan sa bahay, tulad ng cabinet, dining set, upuan, istante, at iba pang dekorasyong gawa sa kahoy.

Larawan mula sa Facebook page ng Kahoy Wonderland

Gumagawa rin sila ng food cart na ginagamit sa iba’t ibang mall sa Pilipinas.

Kinakailangan ng isang customer ng 30% downpayment bago masimulan ang gustong disenyo ng kama.

Para sa detalye ng transaksiyon, maaaring pumunta sa Facebook page ng Kahoy Wonderland.

Source :

Facebook, YouTube