Wig ni Dimples Romana sa ‘Kadenang Ginto’ nag-trending; netizens gumawa pa ng parody accounts

Larawan mula sa Instagram at Facebook page ng Kadenang Ginto

Hindi maitatangging isa sa pinakatinututukang teleserye ngayon ang ‘Kadenang Ginto’ sa Kapamilya Gold dahil maliban sa maiinit na palitan ng patutsada ng mga bida sa serye, patok ding meme ngayon sa social media ang wig ng tauhang si Daniela Mondragon na ginagampanan ni Dimples Romana.

Sa isang panayam sa PEP, sinabi ni Romana na alam niyang trending ngayon ang wig na isunusuot niya para panindigan ang kontrabida-look ni Daniela sa teleserye at masaya siya dahil napapansin ng netizens ang pinaghihirapan nilang top-rating show.

Larawan mula sa Facebook page na Daniela Mondragon

Hindi raw makapagpagupit si Romana dahil kailangan pa ang kanyang buhok sa pelikulang ginagawa niya at hindi naman daw niya inaasahang mayroong pagbabago sa hitsura ng karakter na si Daniela sa book two ng ‘Kadenang Ginto.’

“Alam n’yo kasi, hindi ako makapagpagupit! Yung wig na ‘yan, hindi ako makapagpagupit kasi may ‘Block Z’ pa ako,” paliwanag ni Romana na kasama rin sa pelikulang Block Z na pagbibidahan nina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Dagdag pa ni Romana, willing naman daw siyang ipagupit ang kanyang buhok kung hindi lamang naumpisahan na ang long hair look niya sa pelikulang ginagawa.

“Nauna kasi kaming nag-Block Z. So siyempre, alam n’yo namang meron tayong mga nirerespetong continuity,’ dagdag ng aktres na kamakailan ay naglabas din ng bagong aklat na tinawag na ‘Dimps Tips.’

Ngunit nito lamang Abril 17, inanunsiyo ni Romana na nakapagpagupit na siya at di na kakailanganin pang magsuot ng wig.

Larawan mula sa Facebook page na Daniela Mondragon

Gayunman, kahit magpapaalam na si Romana sa kanyang kontrobersyal na wig, hindi naman maka-move on ang mga netizens dahil ginawan pa nila ng sariling page sa social media ang tauhang si Daniela Mondragon at gumawa ng iba’t ibang memes tungkol sa wig niya.

Pinagkakatuwaan nila ang halata umanong fake na wig ni Romana sa serye na patok na patok naman sa mga viewers ng Kadenang Ginto.

Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana

Maging ang karibal ni Romana sa serye na si Romina Mondragon na ginagampana ni Beauty Gonzales ay mayroon nang Twitter account kung saan tila nagpapatuloy ang bangayan ng dalawa.

Nagpapatuloy ang kuwento ng Kadenang Ginto sa afternoon drama block ng ABS-CBN na pinangungunahan nina Romana, Gonzales, Luis Alandy, Andrea Brillantes, at Francine Diaz.