Vice Ganda, ipakikilala si ‘Tutoy’ sa bagong aklat




Imahe mula sa www.news.abs-cbn.com

May bagong aabangan ang mga fans ni Vice Ganda matapos nitong ianunsiyo sa It’s Showtime nitong Lunes, Abril 29, ang tungkol sa kaniyang bagong aklat na pinamagatang Jose Marie Viceral: Tutoy.

Ang biography book ay tungkol sa kaniyang buhay mula nang siya ay ipinanganak hanggang sa bago pa siya naging isang Vice Ganda.

Sa aklat, inilahad ni Vice Ganda kung sino ang batang si Tutoy (palayaw niya), kung ano mga naging karansan nito, at kung paano nagkaroon ng isang Vice Ganda.

Imahe mula sa Facebook page ni Vice Ganda

“Kasi ’yung Vice Ganda kilala n’yo na. Kaya ipakikilala ko sa inyo kung sino si Tutoy sa Tambunting sa Sta. Cruz, Avenida,” sabi ng Unkabogable Superstar.

Inamin din ni Vice Ganda na naging emosyonal siya habang binubuo ang kaniyang bagong aklat na ilalathala ng ABS-CBN Publishing.

Aniya, iyak siya nang iyak habang binabalikan ang kaniyang mga nakaraan. Pero guminhawa naman ang kaniyang pakiramdam habang isinasalaysay ang kaniyang kabataan.

“Kahit ang dumi-dumi, kahit ang dilim nung iba kong mga ikinuwento, ang lungkot-lungkot, parang masaya akong shinare. Parang ang saya ko na naging bahagi ’yon ng buhay ko,” dagdag na niya.

Ibinahagi rin niya na kahit madilim ang ilang bahagi ng kaniyang buhay ay masaya pa rin siya dahil naging bahagi iyon ng kaniyang buhay. Sinabi rin niya na wala siyang tinalikuran at wala siyang ikinahihiya.

“Sobra akong proud kasi bahagi lahat ’yon kung ano ako ngayon at ini-enjoy ko pa rin siya hanggang ngayon,” sabi ni Vice Ganda.

Imahe mula sa www.news.abs-cbn.com

Sinabi rin ni Vice Ganda na maging ang mapapangit niyang mga larawan na iningatan ng kaniyang mga kaibigan ay kasamang mailalathala sa aklat.

Nakawiwili man ang kaniyang aklat, tiniyak ng comedian na kapupulutan ng aral ang kuwento ng kaniyang buhay.

Iniaalay rin ni Vice ang bagong aklat sa kaniyang nanay na si Aling Paquita. Katunayan, may isang chapter sa aklat na pinamagatang ‘“IT’ Girl ng Tambunting” na alay sa kaniyang ina.

Simula Abril 29 ay maaari nang mag-pre-order ng aklat na eksklusibong mabibili sa National Bookstore sa halagang ₱195.