“Ultimate throwback photo” ng magbabarkada, kinaaliwan




Larawan mula sa Facebook account ni Kenneth Santos

Sa panahon ngayon na halos lahat ng gadgets ay may camera na, madali na lamang para sa mga tao na maidokumento ang mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay: mapa-selfie o groupie man iyan. Idagdag pa ang social media platforms, madali na lamang ding balikan ang mga dating alaala, kaya nauso ang “throwback”.

Kaugnay dito, kinaaaliwan ngayon sa social media ang “ultimate throwback photos” na ibinahagi ni Kenneth Santos kung saan naka–post ang dati nilang larawan ng magbabarkada noong sila ay mga binatilyo pa, at ngayong sila ay malalaki’t “binata” na.

Mapapansin sa unang larawan na sila ay tila isang barkada na bumuo ng team o koponan sa basketball.

Larawan mula sa Facebook account ni Kenneth Santos

Muli silang nagpakuha ng larawan bilang isang koponan ngayong 2019; kung paano sila nakapuwesto sa unang larawan. Mapapansin mo ba kung “ano–ano na ang mga naiba?”

Larawan mula sa Facebook account ni Kenneth Santos

Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Salute! Tinanggap pa rin siya kahit nagladlad na siya. This needs respect.”

“Dating team mate, ngayon muse na!”

“Nakakatuwa na tanggap siya ng kanyang mga kaibigan. Walang masama riyan. Walang masama sa pagpapakatotoo. Kudos sa magkakaibigang ito!”

Nag–iwan naman ng komento ang nasa gitna ng larawan na napag–alamang si Joe Marie Santos Jalla.

Ipinaliwanag niya na hindi hadlang ang kanyang kasarian upang makapaglaro siya ng basketball. Noon pa man, alam na ng kanyang mga kaibigan ang tunay niyang kasarian.

“Para po sa kaalaman ng lahat grade 4 pa lang po bakla na ko and high school kung saan ako nagsimula magbasketball. Oo bakla ako pero di ito hadlang para makapaglaro ako ng basketball – naglalaro ako hindi para mapalapit sa mga lalaki o maka tsansing katulad ng mga nababasa ko,  naglalaro ako dahil pinakikisamahan ko mga tropa ko.”

Dagdag pa niya: “In fact, sila pa ang nagpo–provide ng shoes, jersey and shorts ko para lang makasama ako. No regrets naman kasi naging masaya ako together with them. Ito ang tunay na magtotropa – walang boundaries no matter what sexual1ty na meron ka.”

Minsan pa nilang pinatunayan na tunay ang kanilang pagkakaibigan!