TNT Boys, hindi takot magbago ang boses dala ng pagbibinata

Image from TNT Boys' Facebook page

Hindi umano natatakot ang TNT Boys na sina Francis Concepcion, 12, Mackie Empuerto, 13, at Keifer Sanchez, 14 na magbago ang kanilang boses dahil sa kanilang pagbibinata.

Image from TNT Boys’ Facebook page

Sa katunayan, nagsimula na ngang magbago ang boses ni Empuerto.

“Ako po dumaan na po ako sa puberty stage. Mahirap po siya pero challenging po at nakaka-enoy dahil tinutulungan po ako ni Keifer at Francis na ma-reach ko po ang notes na hindi ko po ma-reach. Nagtutulungan naman po kami that’s why confident po ako na kumanta,” kuwento niya.

“Parang ‘yung dati ko pong boses ay one pitch higher sa boses ko po ngayon.”

Sinabi naman ni Concepcion na ayaw man nilang pagdaanan ang pagbabago sa kani-kanilang mga boses ay tanggap nila na darating ang panahon na magbabago talaga ito.

Image from TNT Boys’ Facebook page

May itinuro ring technique sa kanila ang kanilang mga voice coach upang mapangalagaan ang kanilang boses.

“May mga voice coach po kami na tinuturuan po kami kung paano ang technique kung mawawala man ang boses namin. Para dalawa po ‘yung gagawin namin kung mawawala man ang boses namin ay may technique kami,” sabi ni Concepcion.

Ayon kay Sanchez ay ipinagpapatuloy nila ang pagkanta ng matataas na mga kanta upang hindi biglang bumaba ang kanilang boses dahil sa puberty.

Kasalukuyang naghahanda ang TNT Boys para sa nalalapit nilang “Listen the World Tour.” Magtutungo sila sa Chabot College sa Hayward, California sa April 23, 2019.

Nasa The Theatre at Ace Hotel sa Los Angeles, California naman sila sa April 25, 2019.

Nasa Edmonton Expo Centre sa Alberta, Canada ang TNT Boys sa April 27, 2019.

Image from TNT Boys’ Facebook page

Malaki ang kanilang pasasalamat dahil natupad na ang kanilang pangarap na makapagperform sa ibang bansa.

Bukod sa kanilang world tour, malapit na ring i-release ang kanilang bagong single na “Together We Fly.”

Unang nakilala ang tatlo nang sumali sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime bilang individual contenders. Nakuha ni Sanchez ang 2nd place, ni Empuerto ang 3rd place, at ni Concepcion ang 5th place sa nasabing kompetisyon.

Naimbitahan sila sa Gandang Gabi Vice kung saan pinakanta sa kanila ni Vice Ganda ang “Listen” ni Beyonce. Nag-trending ang kanilang performance at doon nabuo ang grupong TNT Boys.