Achieved: Ginebra player Scottie Thompson, may mansyon at malaking negosyo na sa edad na 25

Larawan mula sa Twitter account ni Scottie Thompson

Hindi lamang pusong palaban ang mayroon ang Barangay Ginebra San Miguel player na si Scottie Thompson kung hindi taglay rin niya ang pusong puno ng pangarap dahil sa murang edad na 25, naipatayo na niya ang isang mansyon at mayroon pang negosyong bukas para sa franchising.

Nito lamang Abril 17, masayang inanunsiyo ni Thompson sa pamamagitan ng isang tweet na sa wakas ay natapos na rin ang kanyang pinapangarap na mansyon.

Larawan mula sa Twitter account ni Scottie Thompson

Sinabi ni Thompson na ipinagpapasalamat niya sa Panginoon ang napakalaking biyayang ito.

“From dream to reality. Always thank the Lord for the gift of life,” post ng Ginebra point guard na tubong Davao del Sur.

Bunga ito ng kanyang paghihirap bilang player ng Ginebra na kalaunan ay naging susi rin upang maging isa siya sa manlalaro ng Philippine national team.

Maliban sa pagiging basketbolista, kumikita rin ang 6’1 standout ng University of Perpetual Help sa kaliwa’t kanang endorsements.

Makikita sa Twitter post ni Thompson ang modernong istilo ng kanyang tahanan na mayroong temang black and white.

Ipinasilip rin niya sa kanyang Instagram Story ang malawak na hagdan, malaking dining area, at malawak na hardin kung saan kasama niya ang kanyang pamilya.

Masaya rin para kay Thompson ang kanyang mga kapuwa manlalaro tulad nina Gabe Norwood, Sol Mercado, at Ranidel de Ocampo para sa kanyang bagong mansyon.

Bukod sa kanyang bagong mansyon, ipinagmamalaki rin ni Thompson na isang success ang kaniyang pinasimulang negosyo na Thompson’s Sports Hair Shop.

Larawan mula sa Twitter account ni Scottie Thompson

Noong 2016, binuksan ang unang branch ng barber shop sa kanyang hometown na Digos kung saan kinailangan niya ng halos 1 milyong pisong puhunan.

Ngunit matapos lamang ang higit dalawang taon, nagkaroon na ng franchise sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas tulad ng Bulacan, Batangas, at Tuguegarao ang barbershop ni Thompson.

Naniniwala si Thompson na hanggang bata pa ay kailangan nang mag-invest dahil hindi naman daw panghabambuhay ang karera bilang isang basketball player.