Sanya Lopez bilang ‘Darna’: “Nakakatuwa, pero Kapuso po ako eh”

Mga larawan mula sa Instagram account ni Sanya Lopez

“Nakakatuwa dahil kinokonsider po ako. Nakakatuwa po. Pero siyempre, dapat ibigay pa rin po sa karapat-dapat.”

Natuwa subalit nagulat ang Kapuso actress na si Sanya Lopez sa dami ng mga netizens na nagmumungkahing bagay sa kanya ang papel na “Darna” matapos ma-post ang edited photo na naka-Darna costume siya.

Ayon sa panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Sanya noong Abril 8, 2019, ang naturang larawan ay kuha mula sa isang sikat na local clothing brand kung saan isa siya sa mga modelo. Nag-post pa ng larawang ito ang kapatid niyang si Jak Roberto sa Instagram account nito kaya lalo pa itong pinag–usapan.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Jak Roberto

Natuwa si Sanya dahil napabilang siya sa listahan ng mga Kapamilya actress na napupusuan ng mga netizens na gumanap bilang Darna matapos ang pagtalikod dito ni Liza Soberano.

Ang problema, siya raw ay isang “Kapuso”.

“Nakakatuwa, nakakatuwa dahil siyempre, sobrang strong ng character ni Darna, very empowered. Pero siyempre, iniisip ko pa rin na may karapat-dapat para doon and, for sure, ibibigay po ng Star Cinema sa karapat-dapat,” pahayag ni Sanya.

Inamin ni Sanya na bata pa lamang daw siya ay pinangarap na niyang gumanap na superhero, lalo na ang maging Darna.

Pangarap din niyang magampanan ang isang “bida–kontrabida” role upang makita pa ng mga tao ang “ibang Sanya”, tulad ng “Rhodora X” ni Jennylyn Mercado.

“Opo, pangarap ko pong makagawa ng bida/kontrabida. ‘Yung makita pa po ang ibang Sanya. Hindi ‘yung palaging nakikita lang nila akong umiiyak, sa drama na ganito. Gusto kong makita rin nila ang side na, ‘Ay! Puwede siya!’ So, I think po, ‘yung Rhodora X ni Ate Jen. Para nakikita ‘yung dalawang side.”

Mga larawan mula sa Instagram account ni Sanya Lopez

Napatunayan na ni Sanya na kaya niya ang action at fight scenes sa remake ng “Encantadia” noong 2016 kasama sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Glaiza De Castro, kung saan gumanap siya bilang “Danaya”.

Ang ABS-CBN/Star Cinema ngayon ang may hawak ng rights para sa pagsasapelikula ng Darna.