Fan ni Kris Aquino nagtapos sa kolehiyo dahil gustong maging bahagi ng online show niya

Larawan mula sa Facebook account nina Gladice Belarmino at Kris Aquino

Kung para sa iba ay pag-aaksaya ng panahon ang pagiging fan ng mga celebrity, pinatunayan ng isang fan ng queen of all media na si Kris Aquino na mayroong magandang ibubunga ang pag-idolo  sa isang artista.

Masayang ibinahagi ni Gladice Belarmino sa kanyang Facebook account na naging inspirasyon niya sa pagtatapos sa kursong Computer Programming ang paghanga niya kay Aquino at pagnanais niyang maging bahagi ng Kris C. Aquino Productions (KCAP).

Ayon kay Belarmino, bata pa lamang siya ay sobrang iniidolo na niya si Aquino at naging dahilan pa upang mangamba ang kanyang mga magulang na baka mapabayaan niya ang kanyang pag-aaral dahil sa pagsubaybay sa mga programa at pelikula ng aktres at TV host.

Larawan mula sa Facebook account ni Gladice Belarmino

“Ang mga magulang ko, dati talaga ay pinatitigil na nila ako sa kahibangan ko. Sabi nila pag bumaba daw ang mga grades ko sa kakanood ng TV dahil kay Kris Aquino ay patitigilin nila ako sa pag-aaral,” saad ni Belarmino na isa nang alumna ng University of Makati.

Ngunit pinatunayan niyang ang paghanga kay Aquino ay isang inspirasyon upang maging magaling sa eskwela at tularan ang pagiging mahusay na personalidad ng idolo sa mga commitments sa loob at labas ng showbiz.

“Pinatunayan ko sa mga magulang ko na hindi mangyayari ‘yon, na hindi masamang halimbawa sa akin si Kris. Nagtataka ang mga magulang ko na lagi na silang umaakyat sa stage para sabay naming tanggapin ang mga parangal na bunga ng aking pagsusumikap,” dagdag ni Belarmino na kalaunan ay naging bahagi na rin ng fans club ni Aquino.

Dagdag pa ni Belarmino, gusto niya pa raw hasain ang kanyang mga talento, higit ang paggamit ng computer upang maging kwalipikado siya at makapasok sa production team ng KCAP.

“Gusto kong mas lalo pang gumaling sa paggawa ng website, mas gumaling sa photoshop, at pag-edit ng mga video… Parang ang sarap lang pumasok sa office na bukod sa puro larawan niya ang makikita, kundi pati yong mismong siya ang bubungad sa akin,” pahayag ni Belarmino na isang consistent dean’s lister.

Sumagot naman si Aquino sa pamamagitan ng kanyang Facebook page at sinabing natutuwa siyang maging inspirasyon ngunit lahat daw ng achievements ng dalaga ay dahil sa kanyang sariling pagsisikap.

“Your achievement is yours and it’s so generous to share it with me… Kaya mong solo ipagmalaki ang pagiging masipag mo… And it is so heartwarming to know you wanted to work for me,” post ni Aquino.

Larawan mula sa Facebook account ni Gladice Belarmino

Masaya man ang TV personality na makakilala ng isang loyal fan na tulad ni Belarmino, isang paalala naman ang iniwan niya sa bagong graduate na tagahanga dahil maaari umanong makasakit ang labis na pag-idolo kay Aquino.

“But you love me, a little too much. Ikaw masasaktan sa ******* nung trolls. Spare yourself that,” pagpapatuloy ni Aquino sa kanyang post.

Gayunman, siniguro ni Belarmino na kahit anong mangyari ay magiging loyal fan siya ni Aquino.

Source :

Facebook , FB