Record-breaking birth: Isang sanggol sa Greece, tatlo ang magulang

Larawan mula sa Pexels at Wikimedia Commons

Patuloy na lumilikha ng ingay ang mundo ng agham dahil kamakailan lamang, isinilang sa Greece ang isang bata mula sa reproductive cells ng tatlong tao sa pamamagitan ng prosesong in vitro fertilization (IVF).

Ito ang kinumpirma ng grupo ng fertility doctors mula sa Greece at Spain upang matulungan umano ang isang 32-taong gulang na ginang na nahirapan daw magbuntis, kahit sumailalim na sa normal na proseso ng IVF kung saan kukunin ang reproductive cells nilang mag-asawa.

Larawan mula sa Pixabay

Mula sa unang apat na hindi matagumpay na pagsasailalim sa normal na IVF procedure, ngayon ay nakapagsilang ang ginang ng isang lalaki na may timbang na 2.9 kilograms at nasa maayos na kondisyon naman daw ayon sa mga doktor.

Sa kaso ng ginang, kumuha ang mga doktor ng sperm mula sa ama, egg cell mula sa ina nito, at isa pang egg cell mula sa isang donor upang masiguro na mas malusog ang reproductive cells at matagumpay na mabuo bilang isang sanggol.

Itinuturing ito ng mga doktor bilang isang “medical history” dahil maaari na raw nilang matulungan ang mga mag-asawang hirap magkaroon ng anak, gayundin ang mga babaeng mayroong nararanasang komplikasyon sa pagbuo ng sanggol tulad ng mitochondrial genetic diseases.

Sa katunayan, unang inilunsad ang prosesong ito sa United Kingdom upang matulungan ang mga magkaparehang hindi nakabubuo ng anak dahil sa problema sa mitochondria.

Ayon sa pag-aaral ng mga siyentipiko, ang mitochondria — isang maliit na bahagi ng ating mga cells na ginagawang enerhiya ang ating mga kinakain — ay mayroong mahalagang papel na ginagampanan sa pagbubuntis ng isang babae.

Kaya naman sa advanced procedure ng IVF, pinagsasama ang DNA ng ina sa mitochondria ng donor upang maiwasan ang mga komplikasyon.

Gayunman, kahit na matagumpay ang isinagawang advanced IVF, may ilang ekspertong sinasabing kailangan pang pag-aralang mabuti ang proseso.

Larawan mula sa Wikimedia commons

“The risks of the technique aren’t entirely known, though may be considered acceptable if being used to treat mitochondrial disease, but no in this situation. The patient may have conceived even if a further standard of IVF cycle had been used,” pahayag ni Tim Child ng University of Oxford.

Subalit nanindigan naman ang mga doktor mula Greece at Spain na ang prosesong ito ng IVF ay lubhang makatutulong para sa isang mas malusog na pagdadalang-tao; gayundin ang siguruhing malusog ang isisilang na sanggol.

Source :

BBC, CNN Health