Practical couple: Reception ng isang kasal sa Davao, sa karinderya ginawa




Larawan mula sa Facebook account ni Catherine Saad

Hindi inaasahan ng bagong kasal na sina Ricson at Catherine Saad na magiging usap-usapan online ang kanilang kasal dahil sa napili nilang reception.

Imbes kasi na gumastos sa isang magarbo at mamahaling venue, napili ng mag-asawa mula Davao City na pakainin ang kanilang mga bisita sa isang karinderya sa tabi ng kalsada.

Ayon sa pahayag ng mag-asawang Saad sa GMA News, hindi naman daw talaga nila hangad na maging bongga pa ang kanilang kasal, kabilang na ang wedding reception kaya mas pinili nilang maging praktikal na lamang.

Larawan mula sa Facebook account ni Catherine Saad

Ipinaliwanag din nina Ricson at Catherine na kaya nila napili ang Goyong’s Mami Hauz ay dahil pagmamay-ari ito ng mga magulang ni Catherine.

Sa ganitong paraan daw, nakatulong na siya sa negosyo ng kanyang mga magulang, masisiguro pa nilang masarap ang mga ihahandang pagkain.

Natuwa naman ang mga imbitado sa kasal dahil maliban sa masasarap ang mga inihaing lutong bahay na putahe, kakaibang karanasan din daw sa kanila ang pumunta sa isang karinderya at doon ipagdiwang ang isang kasal.

Sa Facebook post ni Catherine, pinasalamatan niya ang mga taong tumulong sa kanya upang matagumpay na maidaos ang kanyang simple ngunit trending na kasal.

Masayang-masaya si Catherine dahil kahit na sa isang simpleng kainan lamang ginanap ang reception, naayusan pa rin ito nang husto upang maging presentable at maging kamukha ng mga pinagkagastusang kasal.

Hindi rin umano nila inaasahan na mapapansin ang kasal nila lalo’t sa panahon ng social media ay madalas na pa-bonggahan at iba’t ibang gimik ang labanan.

I-click ang imahe upang makita ang buong post sa Facebook account ni Catherine Saad

Sabi ng ilang netizens, patok sa kanila ang reception ng dalawa dahil walang bahid ng pagpapanggap sa mag-asawa at pinagkasya ang maliit na budget upang mairaos ang kasal. Ang mahalaga raw, tunay ang pagmamahalan kahit sa hirap ng buhay.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin makapaniwala sina Catherine at Ricson sa atensyong nakukuha mula sa mga netizens.

Nakarating sa GMA Network ang kanilang wedding reception story: