Pinakamataas na bamboo sculpture sa buong mundo, makikita sa Pangasinan

Larawan mula sa Facebook account ng Bayambang, Pangasinan

Pormal nang inanunsiyo ng Guiness World Records ang isang imahen sa Bayambang, Pangasinan bilang pinakamataas na bamboo sculpture sa buong mundo.

Nakuha ng istatwa ng patron ng Bayambang na si Saint Vincent Ferrer na may taas na 50.23 metro ang titulo bilang pinakamataas na istatwang gawa sa kawayan sa buong mundo, ayon na mismo sa Guinness representative na si Swapnil Dangarikar mula sa India.

Larawan mula sa Facebook account ng Bayambang, Pangasinan

Nakatayo ang iskultura sa gitna ng isang prayer park sa Barangay Bani sa Bayambang na gawa sa pinaghalong metal at engineered bamboo.

Ayon sa alkalde ng Bayambang na si Cezar Quiambao, ang ideya na magtayo ng isang mataas na bamboo sculpture ay mula sa kanyang asawa na nakakita sa Internet ng isang tinatayo ring bamboo sculpture sa Burma na mayroon lamang 30 metrong taas.

“This is really amazing… I would like to thank my wife Mary Clare Judith Phyllis, fond of Internet, she saw something that Burma was trying to build a statue made of bamboo around 30 meters high. She said why not build the statue of Saint Vincent Ferrer made of bamboo?” pahayag ng Mayor na itinuturing na isang regalo sa kanyang nasasakupan ang world-breaking statue.

Gayunman, inihayag ng alkalde na wala talaga sa plano nila ang pagtatayo ng iskultura dahil ang gusto nilang gawin ay ang talunin ang record ng Iloilo sa pagpapalipad ng sky lanterns.

Nais daw nilang magpalipad ng 40,000 sky lanterns ngunit dahil ipinagbawal na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ganitong klase ng aktibidad, mas pinili na lamang niyang sundin ang suhestiyon ng kanyang maybahay.

Tiniyak naman ni Quiambao na matibay ang bamboo sculpture kahit na may bigat itong 60 tonelada na ginawa ng 608 katao at inabot ng sampung buwan bago tuluyang matapos.

Larawan mula sa Facebook account ng Bayambang, Pangasinan

Itinaon ng pamunuan ng munisipalidad ang pagpapasinaya sa nasabing istatwa sa ika-405 taon ng pagkakatatag ng kanilang lugar, at inaasahang magpapalakas sa turismo ng Bayambang.

Ito na ang ikalawang Guiness record ng Bayambang na unang kinilala sa kanilang pinakamahabang barbecue na may sukat na walong kilometro.