Pilipinas, isa sa mga top agri–tourism destinations ng mga turista sa buong daigdig




Larawan mula sa Google Image Public Domain

Isa ang Pilipinas sa mga bansang itinuturing na world’s top agri-tourism destinations batay sa isang grupo ng mga mananaliksik.

Sa isang pahayag, sinabi ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study & Research in Agriculture o Searca na maganda ang takbo ng agri-tourism sa bansa, kasama ng  Taiwan, Hawaii, Tuscany, Mallorca, California at Brazil.

Sa idinaos na Global Farm Tourism Summit ng Searca, sinabi ni Rose H. Libongco ng Hotel Sales and Marketing Association International na napanatili ng Pilipinas ang pagiging isa sa mga bansang may katangi–tanging agri-tourism destination dahil sa mga likas na yaman at biodiversity, idagdag pa ang mayamang mga kaugalian, tradisyon, at kalinangan o kultura.

Ikinatutuwa rin ng mga dayuhang turista ang hospitality o mainit na pagtanggap sa mga panauhin ng mga Pilipino.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Karaniwang pinupuntahan at dinarayo ng mga dayuhang turista sa Pilipinas ang mga organic farms, nature-friendly farms at health and wellness farms na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Binanggit ni Libongco ang La Union, Laguna at Davao bilang mga halimbawa ng mga lalawigang napalawig ang kanilang farm tourism.

Kaya naman hinihikayat ng Searca ang pamahalaan na suportahan at mas palakasin pa ang agri–tourism sa bansa upang mas makatulong sa paglago ng ekonomiya.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Batay pa rin sa mga datos, napag–alamang ang mga dayuhang turista na dumarayo sa bansa ay mga taga South Korea, China, United States, Japan, at Australia.

Iminungkahi din ni Libongco na gamitin ang internet, partikular ang social media at pagbuo ng mga online websites para mapalakas ang promosyon ng mga farm tourism sites.

Paliwanag niya: “Online availability is important in this social media era. People will find you first online. Online websites establish your credibility as a business.”

Maaari ding isagawa sa mga agri–tourism destinations ang green business practices,  agriculture training, overnight accommodation at resort facilities na tiyak na makapanghihikayat sa mga lokal at dayuhang turista.