PHISGOC naghahanap ng 12,000 volunteers para sa SEA Games 2019

Larawan mula sa Twitter account ng SEA Games Volunteer Program

Kung pangarap mong maging bahagi ng gagawing Southeast Asian Games (SEA) Games 2019 sa Pilipinas ngunit hindi ka pinalad na makasali sa anumang koponan ng bansa, maaari ka pa ring makilahok sa pinakainaabangang sporting event bilang isang volunteer.

Inanunsiyo ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na naghahanap sila ng 12,000 volunteers na tutulong sa kanilang mapatakbo nang maayos ang SEA Games 2019 na gagawin sa Nobyember hanggang Disyembre.

Larawan mula sa Instagram account ni Gretchen Ho

Ayon sa chief operating officer ng PHISGOC na si Ramon ‘Tats’ Suzara, bukas ang paghahanap nila ng volunteers sa kahit na sinong Pilipino na may edad 18 pataas at nais maipadala sa iba’t ibang lalawigan at lungsod na pagdarausan ng events ng SEA Games, kabilang na ang Subic, Bulacan, Tarlac, Tagaytay, Batangas, La Union, at Metro Manila.

Tiniyak din ng Volunteer program head na si Wesley Gonzales na mayroong ibibigay na allowance at pagkain para sa mga lalahok na inaasahang makatatapos ng walong oras na shift bilang volunteer.

Umaasa rin si Suzara na kaya nilang maabot ang 12,000 na boluntaryo o higit pa dahil maliban sa mga mag-aapply, mayroon ding mga volunteer mula sa mga paaralan at mula sa National Youth Commission (NYC) na hahanap ng mga out-of-school youths at ilang manggagawa sa lokal na pamahalaan.

Mayroon na rin umanong mga aplikante mula sa iba’t ibang bansa na nais maging volunteers na inaabot sila sa pamamagitan ng e-mail.

Maliban sa allowance, mayroon ding libreng uniporme para sa mga volunteer at may ilalaan ding resting area para sa kanila.

Larawan mula sa Instagram account ni Gretchen Ho

Ayon kay PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano, tinatayang P150 milyon ang ilalaang budget para sa volunteer program ng SEA Games na kasama sa hindi pa napipirmahang national budget ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magkakaroon ng recruitment ng volunteers sa Maynila, Subic, Tarlac, Clark, La Union, Batangas, Tagaytay na gagawin hanggang Hulyo samantalang ang online registration ay bubuksan sa May 15.

Isasagawa ang training sa mga mapipiling volunteers sa Agosto.