Philippine Army, nagbukas ng halos 5,400 slots para sa mga nais magsundalo




Larawan mula sa Google Image Public Domain/Wikipedia

Nangangailangan ang Philippine Army ng  halos 5,400 katao para sa iba’t ibang mga katungkulan, ayon sa spokesperson nito noong Lunes, Abril 8, 2019, sa DZMM Teleradyo.

Ayon kay Army spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, nangangailangan sila ng 4,777 para sa enlisted personnel, habang 610 opisyal naman ang hinahanap nila na nagtapos sa Philippine Military Academy.

Ang mga aplikante na makakapasa sa ranggo ng pagiging “private” ay maaaring magkaroon ng P41,000 bilang buwanang suweldo.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Bukas ang kanilang aplikasyon sa mga “naturally born” na Pilipino mula 18 hanggang 23 taong gulang, nakapagtapos ng high school o nakakumpleto ng 72 units sa kolehiyo, at may taas na limang talampakan.

Ang Philippine Army o Hukbong Katihan ng Pilipinas ay pinakapangunahin, pinakaluma, at pinakamalaking branch ng Armed Forces of the Philippines o Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Matatagpuan ang headquarters nito sa Fort Bonifacio sa Metro Manila.

Naitatag ang kasalukuyang porma ng Philippine Army batay sa National Defense Act of 1935 sa panahon ng panunungkulan ni Dating Pangulong Manuel Luis Quezon sa panahon ng Commonwealth, na lumikha naman sa AFP.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Ang “enlisted personnel” ay binubuo ng iba’t ibang ranggo na nagsisimula sa “Private”, na sinusundan naman ng “Private First Class”. Sumunod naman dito ang mga “Non Commissioned Officers” tulad ng “Corporal”, “Sergeant”, “Staff Sergeant”, at “Technical Sergeant”.

Sumunod naman dito ang mga “Warrant Officers” na binubuo ng “Master Sergeant”, “Senior Master Sergeant”, at “Chief Master Sergeant”.

Para naman sa mga opisyal, nagsisimula ito sa “Officer Cadets”. Sumunod dito ang “Junior Officers” na kinabibilangan ng “Second at First Lieutenant” at “Captain”. Nariyan din ang “Senior Officers” na binubuo ng “Major”, “Lieutenant Colonel”, at “Colonel”. Nasa mas mataas na posisyon naman ang mga “Generals” na binubuo ng “Brigadier General”, “Major General”, “Lieutenant General”, at “General”.

Ang tumatayong Commander–in–Chief ng mga sundalo ay ang Pangulo ng Pilipinas.