PH Embassy sa Tokyo naghandog ng outreach program para sa mahigit 500 na OFW




Image from Philippine Embassy in Japan via Facebook

Ang Philippine Embassy sa Tokyo, Japan ay nagsagawa ng dalawang araw na consular outreach program na ginanap sa Shizuoka Prefecture para sa 516 na mga OFW.

Ang layunin ng outreach program ay upang bigyan ng tulong ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Japan kaugnay sa kanilang mga pangangailangan.

Image from Philippine Embassy in Japan via Facebook

Bumuo ng grupo ang Embassy para sa naturang outreach na isinagawa noong April 13 at 14 kung saan 413 OFW ang kanilang natulungan ukol sa kanilang mga passport, 103 aplikante ang inasikaso para sa ibang serbisyong konsular, at 15 naman ang binigyang pansin para sa kanilang mga katanungan tungkol sa darating na botohan.

Ang outreach program ay pinangunahan ni Consul General Robespierre Bolivar kasama sina Frances Komesu, Amelia Clarissa Basilio, Orlando Manalo, Nicole Louie Ansalado, Jahrell Emman Ephraim Balaoro, at Richard Roldan.

Ilan sa kanilang agarang niresolba at ginawan ng aksyon ay ang mga suliranin at katanungang ukol sa passport, notary, civil registry, ang pagproseso ng mga clearance sa National Bureau of Intelligence (NBI), at pag-asikaso sa overseas voting.

Image from Philippine Embassy in Japan via Facebook

Ang katatapos lamang na consular outreach sa Shizuoka Prefecture ay unang programa pa lang na handog ng Philippine Embassy para sa taong 2019 kung saan may 16,000 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa naturang lugar.

Ibinahagi ni Consul General Bolivar na mayroon talaga silang nakahandang outreach program sa buong taon para sa mga OFW na gaganapin sa iba’t ibang lugar sa Japan gaya ng sa Miyagi, Gunma, Hokkaido, Nagano, at Okinawa Prefecture.

Image from Pistang PINOY via Facebook

Ang ginanap na consular outreach ay kasabay ng selebrasyon para sa 3rd Pistang Pinoy sa Shizuoka. Ito ay taunan nang ipinagdiriwang sa Aobi Park ng lungsod na inoorganisa ng Association of Pinoy Volunteers for Assistance (APIVA).

Hangad ng pagdiriwang na ito ang mapagbuklod ang mga Pinoy sa Japan, makapagsalo-salo, makisaya, at makilahok sa mga patimpalak na inihanda.

Marami ang nagpakita ng talento sa pamamagitan ng tradisyunal na sayaw ng mga Pilipino at ang ilan naman ay inirampa ang mga natatangi at ipinagmamalaking mga kasuotang Filipiniana.