Pambansang Ulam ng mga Pilipino: Sinigang o Adobo?




Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Kung pag–uusapan ang mga pambansang sagisag ng ating bansa, tatlo rito ang opisyal na binanggit sa Saligang Batas ng Pilipinas: ang pambansang wika, pambansang awit, at pambansang bayani.

Ang ating pambansang wika ay “Filipino”,  ang pambansang awit ay “Lupang Hinirang”, at ang pambansang bayani ay si Dr. Jose Rizal.

May mga bagay ring itinuturing na pambansang simbolo bagama’t hindi naman kinikilala ng batas, tulad ng sampaguita bilang pambansang bulalak, anahaw bilang pambansang dahon, puno ng Narra bilang pambansang puno, mangga bilang pambansang prutas, at napakarami pang iba.

Subalit ang tanong ng marami, ano nga ba ang pambansang ulam ng mga Pilipino?

Dalawang ulam o putahe ang nangingibabaw na sagot sa tanong na iyan: adobo at sinigang!

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Ang adobo at sinigang ay parehong mga ulam na halos bukambibig sa hapag–kainang Pilipino.

Sino nga ba ang makahihindi sa iba’t ibang luto ng adobo tulad ng adobong baboy, adobong manok, adobong isda, adobong pusit, at maging adobong gulay? Suka at toyo lamang, isama pa ang iba’t ibang pampalasa, solved na ang pagkatakam sa adobo.

Kung nais mo naman ng maasim na sabaw, nariyan ang sinigang: maaaring sinigang na baboy, sinampalukang manok, at maging sinigang na isda. “Asim–kilig,” ‘ika nga.

Pinag–usapan sa Facebook page na “Memories of Old Manila” kung alin nga ba sa adobo at sinigang ang dapat tanghaling “Pambansang Ulam ng mga Pilipino”.

Kanya–kanyang pagtatanggol naman dito ang mga netizens. May ilang pumili sa adobo, may ilang pumili sa sinigang, at may mga nagsabing pareho lamang.

Mga larawan mula sa Memories of Old Manila

“Dapat SINIGANG dahil ito ay orihinal na gawang Pilipino, hindi tulad ng ADOBO na merong impluwensya ng mga Kastila…”

“Adobonigang, hahaha. Sarap kasi ng adobo lalo’t kapag pinatuyo, kaunti lang ang sarsa tapos yung natira sa kawali ipangsasangag. Sa sinigang naman, yung red sinigang lalo’t baka at kumpleto rekados sa gulay at pakwan, nagiging malinamnam kapag may tomato sauce at maasim. Rapsa, lutong Pinoy!”

“Para sa akin, both lang. Masarap ang adobo lalo na kapag fried. Sinigang naman, masarap higupin ang sabaw. Pwede na iulam.”

Bukod sa adobo at sinigang, may ilan ding nagbanggit ng iba pang ulam gaya ng tinola.

“Adobo has foreign ingredient like soy sauce. Sinigang ok na, as long as tunay na sampalok ang gagamitin not the one which is ready–made na pampaasim manufactured by multi–national company. Tinolang native na manok will do too.”

Adobo, sinigang, o tinola, lahat ng iyan ay tatak ng putahe at panlasang Pilipino!