Pagpapalipad ng lobo at sky lantern, bawal na sa Davao City




Imahe mula sa Pixabay

Bawal na sa teritoryo ng Davao City ang pagpapalipad ng mga lobo at sky lanterns matapos maaprubahan ang ordinansang isinulong ng city council sa pangunguna ni Councilor Maria Belen Acosta.

Noong Abril 23 isinagawa ang final reading ng ordinansa na isinulong para sa kaligtasan ng publiko at pangangalaga ng kalikasan.

Sa ordinansa, ang intensiyonal na pagpapalipad ng lobo o lighted sky lantern ay pagmumultahin ng ₱3,000 (1st offense), ₱ 3,500 (2nd offense), at ₱ 5,000 (3rd offense).

Ipinaliwanag naman ni Acosta na ang ‘intentional release’ ay iyong pagpapalipad ng lobo o lighted sky lantern para sa mga ispesipikong okasyon, tulad ng kasal, kaarawan, libing, at anibersaryo.

Imahe mula sa Wikimedia

Maging ang mga nakiisa sa pagpapalipad ng mga ito ay pagmumultahin din.

Gayunman, kung ang pagpapalipad ng lobo o lighted sky lantern ay may kaugnayan sa pananaliksik ukol sa siyensiya at teknolohiya ay maaari itong gawin. Maaari din ang pagpapalipad ng hot air balloon kung gagamitin ito bilang transportasyon at kung para sa recreation.

Samantala, may mga environmentalists din ang nananawaganan na maging ang pagbebenta ng ipinalilipad na lobo ay kailangan na ring ipagbawal. Layunin nito na ganap nang maiwasan ang mga basurang plastik mula sa mga lobo. Maiiwasan na rin ng mga bata na aksidente itong mapakawalan sa pagkakahawak.

Ibinahagi rin nila na kapag bumagsak na ang pinalipad na lobo, karaniwan itong napupunta sa mga karagatan at ang plastik ay nakakain ng mga marine creatures.

Ayon sa report ng Sunstar, ang pagbabawal sa paggawa, pagbebenta, at distribusyon ng mga lobo at sky lanterns ay kasama sa orihinal na ordinansang ipinasa ni Acosta.

Gayunman, hindi na ito napasama sa pinal na ordinansa sapagkat hindi na sumang-ayon dito ang mga kapuwa niya konsehal dahil wala pang national law na susuporta rito.

Imahe mula sa Pixabay

Bago pa ganap na maipatupad, ipinahayag na ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang kaniyang suporta sa ordinansa. Sinabi rin niya sa isang panayam na kailangan nating magbawas ng basura sapagkat hindi pangmatagalang solusyon ang paggawa ng mga sanitary landfills kada limang taon.

Ganap na ipatutupad ang ordinansa matapos ang 15 araw mula nang ito ay maaprubahan.