Paggamit ng gadgets ng mga bata, dapat isang oras lamang, ayon sa WHO




Larawan mula sa Google Image Public Domain

Iminumungkahi ng World Health Organization o WHO na limitahan lamang sa isang (1) oras ang paggamit ng gadgets ng mga bata.

Sa kasalukuyan, kapansin–pansing mas maraming mga bata, mula 3 hanggang 12  taong gulang ang gumagamit at naglalaro sa harap ng computers, laptops, mobile phones, at tablets kaysa makipaglaro sa kanilang mga kaibigan o kalaro sa lansangan.

Mas gusto pa nilang mag–isa at tutukan ang mga “screens”.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Noong hindi pa nauuso ang mga gadgets, karaniwan ang paglalarong pisikal ng mga bata sa lansangan. Nariyan ang habulan, taguan, patintero, luksong baka, luksong lubid, luksong tinik, tumbang preso, langit–lupa, at marami pang iba.

Bantad din ang mga bata noon sa paglalaro ng trumpo, yoyo, teks, pogs, holen, jackstones, Chinese garter, at pagpapalipad ng saranggola tuwing hapon.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Sa kabilang banda, mas mahuhusay ang mga bata ngayon sa paggamit ng gadgets at kaya nila itong matutuhan mag–isa. Sa isang click lang, lalabas na ang iba’t ibang mga impormasyon at datos. Maaari din silang matuto sa pamamagitan ng panonood ng iba’t ibang educational videos sa gadgets.

Kung gayon, hindi na nga talaga maiiwasan ang paggamit ng gadgets dahil ito ang isa sa mga kahingian ng makabagong panahon. Subalit ipinauunawa ng WHO na dapat may limitasyon sa paggamit nito, na kailangang ipatupad ng mga magulang sa kanilang mga anak. Maayos na ang isang oras sa isang araw para sa mga bata.

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Ayon pa rin sa WHO, upang mapalaki nang malusog ang anak, kailangang sundin ng mga magulang ang konseptong  “sit less and play more”. Hayaan ang mga anak na maglaro ng mga pisikal na laro.

Para naman daw sa paglalaro ng mga bata ng tunay na laruan tulad ng manika, tau–tauhan, kotse–kotsehan, at iba pa,  mainam na raw ang tatlong oras. Lubos nilang iminumungkahi ang pagpapalaro ng mga educational toys tulad ng puzzles, jigsaw, at marami pang iba.

Tandaan, anumang labis ay nakasasama.