Ordinansang ipagbabawal ang tsismis, isinusulong sa isang barangay sa Laoag

Larawan mula sa Pexels at Laoag City website

Nakaugalian na ng mga Pilipino ang magkuwentuhan bilang pampalipas oras na kung minsan ay pinagmumulan ng iba’t ibang sigalot; lalo’t higit kung malisyoso ang paksa at balitang pinag-uusapan.

Mas kilala sa terminong Filipino bilang ‘tsismis’ ang mga usapan tungkol sa ibang tao na hindi pa kumpirmadong totoo.

Ito ang nais iwasan ng isang barangay sa Laoag City, Ilocos Norte kaya naman isinusulong doon ang isang ordinansang ipagbabawal na ang mag-tsismisan ang kanilang mga residente.

File Photo

Ayon sa kapitan ng Barangay 39 ng Sta. Rosa, Laoag na si Roger Baloaloa, tsismis ang pangunahing problema sa kanilang lugar kaya nais niyang maipatupad ang ‘Anti-Tsismis Ordinance.’

Nagiging malaking abala na rin daw sa kanila at mga residente ang problema sa tsismis dahil pinag-uugatan ito ng eskandalo kahit alanganing oras na.

“Kabit, paninira, nag-aaway sila, minsan nagreresponde kami sa gabi, hindi lang mga babae kahit mga lalaki tsismoso,” pahayag ni Kapitan Balaolao sa ABS-CBN News.

Hati naman ang damdamin ng mga residente ng Barangay 39 sa panukalang ito ng kanilang Kapitan dahil bahagi na raw ito ng kanilang buhay at mabisang pampalipas oras.

Mayroon din namang mga nagsasabi na maganda ang panukala dahil mapananatili umano nito ang kapayapaan sa kanilang barangay at maiiwasan ang pagkalat ng mga mapanirang bulung-bulungan.

Habang sinusulat ang balitang ito, pinag-aaralan pang mabuti ng Sangguniang Panlungsod ng Laoag ang ordinansa.

Kung maipatutupad, maaaring magmulta ng P500 at tatlong araw na community service sa first offense, P700 at limang araw na serbisyo-barangay sa ikalawang offense, at isang libong piso na may kasamang isang linggong community service sa ikatlong paglabag.

Larawan mula sa Wikipedia

Hindi ligtas ang mga dayo sa parusa dahil maging sila ay maaaring mapatawan ng multa kung lalabag sa ordinansa habang nasa kanilang barangay.

Bago ang barangay na ito ng Laoag, nauna na ang isang barangay sa Baguio City na magpatupad ng anti-tsismis ordinance ngunit kalaunan ay pinahinto rin ng mga opisyal ng lungsod.