OFW na umuwing may amnesia, dinalaw ng kaibigan at ibinahagi ang kanilang mga alaala

Image from GMA News via YouTube

Isang nakaaantig na pagtatagpo ang nasaksihan sa Las Piñas General Hospital nang dalawin ng isang malapit na kaibigan si Richard Soriano Reyes, isang OFW na may amnesia.

Si Richard ay inuwi sa Pilipinas mula sa bansang China noong March 29 dahil siya ay nagkaroon ng amnesia. Pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), siya ay natagpuan at tila napabayaan na sa isang hospital sa China.

Image from GMA News via YouTube

Sa halip na umuwi nang diretso sa kanilang bahay, siya ay dinala muna ng mga taga-DFA sa Las Piñas General Hospital para masuri, sanhi na rin nang pagkawala ng kanyang ala-ala at kulang na pagkakakilanlan sa kanya.

Base sa report ng DFA, taong 2017 nang ma-stroke si Richard at magkaroon ng brain hemorrhage na posibleng naging dahilan nang pagkakaroon niya ng amnesia matapos sumailalim sa ilang mga operasyon.

Image from GMA News via YouTube

Isang palatandaan lang ng kanyang pagkatao na bitbit niya saan man magpunta ay ang kanyang tattoo sa kanang braso na ang nakalagay ay pangalang “Amanda.” Nang siya ay tanungin tungkol dito, hindi niya matandaan kung sino nga ba si Amanda.

Sumunod na tinanong kung may anak siya at walang pag-aalinlangan niyang sinagot ito ng “yes,” subalit ang pangalan ng anak ay nanatili ring palaisipan.

Mababakas sa kanyang mukha ang kalungkutan at pagnanais na makauwi. Madalas ay idinadaan na lamang niya ito sa pagluha dahil hirap rin siyang sambitin o ipaliwanag ang kanyang mga saloobin.

Image from GMA News via YouTube

Mahigit dalawang linggo na ring pinaghahanap ng DFA ang kanyang mga kaanak o sinumang nakakakilala sa kanya. Nitong April 15, isang pag-asa ang bumungad sa kanya nang siya ay dalawin ng kanyang kaibigan na si Edmar De Guzman.

Lumiwanag ang mukha ni Richard at hindi maalis ang kanyang mga ngiti nang makita ang kaibigan. Si Edmar ay dating kasama niya sa trabaho sa China. Pagmamayabang nito, si Richard ang pinakamagaling na DJ na kanyang nakilala at napakahusay magsalita ng Chinese.

Kuwento ni Edmar, ang pangalang Amanda sa tattoo ni Richard ay pangalan ng dati nitong nobyang intsik. Nagkaanak daw ang dalawa subalit naghiwalay sa huli.

Ibinahagi rin ni Edmar na ang tattoo ni Richard sa kaliwang braso ay katulad ng sa kanya bilang simbolo ng pagkakaibigan nila. Pinalagay raw nila ito ng minsang may madaanang tattoo shop sa China.

Ayon kay Doktora Margarita Tamayo, maaari nang makalabas ng ospital si Richard subalit pinag-uusapan pa kung saan siya dadalhin habang hindi pa nakikita ang kanyang mga kamag-anak.

Source :

GMA, GMA, GMA