Netizens, iba’t iba ang reaksiyon hinggil kay Grace Poe at sa Pulse Asia Survey




Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Grace Poe

Nitong Huwebes, Abril 11, inilabas ng Pulse Asia Research, Inc. ang resulta ng latest nilang survey para sa senatorial election. Pawang mga reelectionists ang top 3 sa kanilang listahan.

Ayon sa resulta ng survey na isinagawa noong Marso 23 hanggang Marso 27, 2019 ay nangunguna sa listahan si Grace Poe na nakakuha ng 72. 6 percent voter preference. Sunod naman si Cynthia Villar na may 63.7 percent at pangatlo si Sonny Angara na may 58.5 percent.

Tatlo naman sa mga pambato ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapasok sa Top 12: sina Bong Go, Bato Dela Rosa, at Francis Tolentino na tumatakbo sa ilalim ng PDP-Laban.

Imahe mula sa Facebook

Nasa 1,800 katao na may gulang 18 pataas ang respondents sa survey.

Kung pagbabatayan ang mga komento sa Pulse Asia Facebook post, marami ang natutuwa sa pagiging number 1 ni Poe.

Ayon sa komento ng Facebook user na si L Chu, “Sobrang deserve mo yan, karapat-dapat ka talaga sa pwestong yan dahil sa ’yong sipag at tiyaga na maglingkod sa mamamayan.” Tinutukoy niya si Poe.

“Consistent pa rin talaga si Senator Poe! No doubt! She will be the no. 1 senator after election!,” komento naman ni D Cruz.

“Be ‘Grace Poe’ in this world full of inconsistencies,” sabi ni C Lovero.

May mga negatibong komento naman hinggil sa pagiging no.1 ni Poe.

“Kunwari totoong survey…para lang ipasok si Grace Poe!!!” komento ni A Bulls.

“Conflict of interest si PoeLse este Poe kasi correct me if I’m wrong kamag-anak niya may-ari o presidente ng Pulse Asia…” komento ni M Lamponi.

May gumamit din ng #TraPoe.

Imahe mula sa Wikipedia

Gayunman, may mga tumutul1gsa rin mismo sa survey at sinabing ito ay mind conditioning lamang. May kumuwestiyon din kung bakit walang Facebook survey ang Pulse Asia. May nagrekomenda pa nga na gawin ang survey sa Facebook.

“Sa FB kayo magsurvey para makasali naman kami dito sa HK at iba pang lugar sa labas ng Pinas. (Para) medyo makatotohanan ang resulta, ‘di ba?” komento ni R Rick.

Samantala, sa isang press release ay nagpasalamat si Poe sa mga patuloy na sumusuporta sa kaniya.

“Taos-puso ang ating pasasalamat sa patuloy na tiwala ng ating mga kababayan. Ang kampanyang ito ay para sa kanila,” pahayag ni Poe.