National Youth Day 2019, gaganapin sa Cebu sa Abril 23-28

Poster mula sa NYD 2019 Cebu Facebook Page

Inaasahang nasa 12,000 pilgrims ang makikiisa sa nalalapit na selebrasyon ng National Youth Day (NYD) sa Abril 23-28, 2019 na gaganapin sa Cebu. Ito ang naging pahayag ng Archdiocese of Cebu sa isinagawang press conference ukol sa NYD 2019 noong Abril 12.

Ang NYD ay isa sa mga pinakamalaking relihiyosong selebrasyon para sa 2019 na layuning tipunin ang mga kabataang Katoliko. Ang pagtitipong ito ay may temang “I am the servant of the Lord. May it be done to me according to Your word” na mula sa Bible verse na Luke 1:38.

Ayon sa report ng PNA, kinumpirma ni Cebu Archbishop Jose Palma na ang Papal Nuncio na si Italian Archbishop Gabriele Giordano Caccia ay darating sa pagtitipon. Inaasahan din ang pagdalo ni Archbishop Romulo Valles, president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Samantala, inaasahang darating sa lalawigan ang mga bisita at ang mga kabataang kalahok sa NYD sa Abril 23. Nakatakda ang unang araw para sa pag-welcome sa mga panauhin.

Ang mga bisitang obispo naman ay magpapahayag ng kanilang mensahe habang idinaraos ang mga programa sa Cebu City Sports Center.

Imahe mula sa Wikimedia/Magalhães

Sa sumunod na araw, ang mga alagad ng Simbahan at ang mga youth pilgrims ay makikilahok sa prusisyon papuntang Basilica Minore del Santo Niño para sa opening mass. Magsasagawa rin ng tradisyonal na Sinulog dance.

Pinuri naman ni Archbishop Palma ang mga kasapi ng Cebu clergy dahil sa aktibong pakikiisa sa pagpaplano ukol sa NYD.

Kinilala rin niya ang mga youth volunteers ng Cebu sa mga naiambag nila sa paghahanda. Ipinagpasalamat din niya ang lubos na pagmamahal at sakripisyo ng mga kabataan.

Ang mga nagparehistrong mananampalatayang Katoliko mula sa iba’t ibang archdioceses at dioceses sa bansa ang mga kalahok sa NYD 2019.

Imahe mula sa Wikipedia/ Editor999999

Ang NYD 2019 ay isa sa mga highlights para sa Year of the Youth na itinuon din sa taong ito. Bahagi ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng 500th Year of Christianity sa Pilipinas sa 2021.

Ang Cebu ay may mahalagang papel sa kasaysayan ng Katolisismo sa Pilipinas.

Bukod sa mga relihiyosong gawain, inaasahan ding itatampok sa NYD 2019 ang mga natatanging kultura at tradisyon ng Cebu.