Music Idol: LANY, gustong tularan ang success ng bandang Coldplay

Larawan mula sa Instagram account ng LANY at Coldplay

Hindi na paaawat ang American trio at pop band na LANY sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at patuloy na gumagawa ng marka sa music industry katulad ng idolo nilang isang ring banda, ang Coldplay.

Ayon sa ulat ng CNN Chile, nang tanungin ang mga miyembro ng LANY na sina Paul Klein, Les Priest, at Jake Gross, kung sino ang nais nilang tularan, inihayag nilang ang bandang Coldplay daw ang nagsisilbi nilang inspirasyon at idolo upang mas pagbutihin ang kanilang musika.

Larawan mula sa Instagram account ng LANY

“Coldplay is the ultimate example of what we would like to become, and they are such an international act,” sabi ni Klein na frontman ng banda.

“Coming here (in Chile) and traveling as much as we do, yeah it is exhausting. But it’s how we’re gonna become the next Coldplay, which is what we would love to be able to aspire to be,” dagdag ni Klein na tila hindi pa rin makapaniwala sa tagumpay na tinatamasa nila ngayon.

Nagsimula ang banda sa pagiging isang indie band at pag-upload ng kanilang mga kanta sa music streaming site na Soundcloud.

Inalala ni Klein at ng mga ka-banda ang kanilang simula kung saan ay naninirahan lamang sila sa isang maliit na apartment at doon sinisiksik ang mga instrumento nila.

Nakasanayan na rin daw ng banda na mag-perform sa maliliit na venue lamang, kaya naman laking gulat nila nang magsunod-sunod ang kanilang gig sa loob at labas ng Amerika.

Noong 2017, nagkaroon ng serye ng mall show ang banda sa Pilipinas na dinumog ng kanilang fans at humiling na bumalik ang LANY sa mas malaking venue.

Hindi naman nila binigo ang kanilang mga fans at nagkaroon ng major concert sa Araneta Colesium noong 2018 na tinawag ni Klein na ‘first arena show’ ng kanilang banda.

Larawan mula sa Instagram account ng LANY

“This is our first arena show ever. We’ve to Manila three time in the last year and it already feels like home,” sabi ni Klein sa kanilang concert.

Ngayong 2019, nakatakdang bumalik ang LANY sa Pilipinas para sa kanilang three-night concert bilang bahagi ng Malibu Night world tour ng banda.