‘Millenniors’ gagamit na rin ng social media sa kanilang pamamanata




Imahe mula sa Smart Communities Facebook page

Bahagi na ng ating pamumuhay ang paggamit ng social media. Dahil dito, asahan na rin na ang pagdaraos ng mga panata para sa Semana Santa ay maiimpluwensiyahan ng makabagong teknolohiya.

Kahit pa mga seniors, na karaniwang nangunguna sa mga pabasa at Visita Iglesia, ay hindi na rin pahuhuli sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa paggunita ng Semana Santa.

Isang patunay rito ang mga “Millenniors” mula sa Magdalena, Laguna na dumaan sa kumpletong training sa paggamit ng smartphone at mobile data.

Ayon sa report ng Manila Standard, nagagawa na rin ng mga seniors, tulad nina Buena Umali at Rita Rubina, na makapagbahagi sa social media ng mga gawain ukol sa kanilang pananampalataya.

Imahe mula sa Pixabay

Si Lola Umali ay nakasanayan na ang taunang pagdaraos ng pabasa tuwing Biyernes Santo at pagbisita sa iba’t ibang simbahan kung saan magdarasal ng Stations of the Cross.

Dahil nakapag-training siya sa paggamit ng smartphone at mobile data, nagagawa na rin niyang makapagbahagi sa Facebook at Messenger ng mga video o larawan para maipakita ang kaniyang debosyon sa iba pa niyang mga kasamahan.

Para naman kay Lola Rubina, nagagawa na niyang makita kung paano ginugunita sa ibang lugar ang Semana Santa. Natutuwa siya dahil nakikita niya kung gaano katatag ang pananampalataya ng mga Pilipino.

Sinabi rin niya na ang Facebook ay isa lamang paraan para maipakita natin ang ating mga debosyon.

Sina Lola Umali at Lola Rubina ay dalawa lamang sa mga graduates ng Smart Millenniors program na sinimulan ng PLDT wireless subsidiary.

Layunin nitong turuan ang mga senior citizens sa paggamit ng teknolohiya, sa tulong na rin ng mga boluntaryong  kabataan.

Imahe mula sa Smart Communities Facebook page

Gayunman, may ilang fellows rin sila na naniniwala na ang Semana Santa ay panahon ng pagninilay. At isa sa mga makabuluhang paraan upang maisakatuparan ito ay ang pansamantalang di-paggamit ng social media.

Iginagalang naman ng pamunuan ng PLDT ang ganitong paniniwala.

Sinabi naman ni Ramon Isberto, PLDT-Smart Public Affairs head, na maraming maaaring ibahagi sa atin ang mga seniors at sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga skills sa paggamit ng social media, titiyakin nilang maririnig ang kanilang tinig at hindi mapag-iiwanan.

Simula 2017, ang Smart Millenniors program ay nakapagdaos na ng mga sesyon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, Laguna, Cebu, at Cagayan de Oro.